EU, US suportado ang July 2016 Arbitral Tribunal Ruling sa South China Sea
Pitong taon na makalipas nang maipanalo ng Pilipinas sa United Nations Arbitral Tribunal ang kaso nito sa pag-aangkin ng China sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng kanilang historical claim sa nine-dash line.
Taong 2013 nang isampa ng dating Aquino administration ang reklamo laban sa nine-dash-line claim ng China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) at July 12, 2016 naman ibinaba ng Tribunal ang desisyon na nagpawalang-bisa sa claim ng China.
Sa landmark ruling ng PCA, sinabi nito na walang lawful claim ang China sa teritoryo na tinukoy ng tribunal na bahagi ng Philippine exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf.
Pero hindi ito kinikilala ng China at naisa-isantabi sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pagsusulong ng kaniyang pivot sa China.
Sa pag-upo ng Marcos administration, ipinangako nito na wala isa mang bahagi sa teritoryo ng Pilipinas ang pababayaan ng pamahalaan, kasabay ng pagtataguyod sa independent foreign policy na ‘friends to all, enemy to none.’
Sa paggunita sa ika-pitong anibersaryo ng The Hague ruling, binigyang-diin ng European Union (EU) legally binding ang desisyon at maaaring gamitin para resolbahin ang territorial disputes.
Sa statement na inilabas ng EU Delegation at ng mga member-states nito na Belgium, Czechia, Denmark Germany, Ireland, Greece, Spain, France, Italy, Netherlands, Poland, Austria, Romania, Slovakia, Finland at Sweden, binigyang-diin ng mga ito ang halaga na maitaguyod ang kalayaan, karapatan at mga duties na na-establisa sa pamamagitan ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS), partikular ang freedom of navigation and overflight.
Suportado din nito ang mabilis na pagtatapos sa mga talakayan na naglalayong epektibong maipatupad ang Code of Conduct sa pagitan ng ASEAN at China na sang-ayon sa UNCLOS at rumerespeto sa karapatan ng third parties.
Mula noong July 2016 hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang mga agresibong hakbang ng China sa West Philippine Sea na nagresulta pa sa mga muntikang engkwentro sa pagitan ng Philippine Coast Guard at Chinese Coast Guard at militias.
Paniwala ng isang security expert, ang ginagawang swarming ng China sa West Philippine Sea ay pagpapahiwatig na gusto nitong makipagnegosasyon sa usapin ng teritoryo.
Sa panayam ng programang ASPN, Ano sa Palagay Nyo, sinabi ni Chester Cabalza, security analyst president ng International Development and Security Cooperation Expansion of US Military Bases in the Philippines, na hindi na bago ang swarming ng Chinese vessel sa West Philippine Sea.
Naniniwala si Cabalza na nais ng China na maisulong ang bilateral relations sa Pilipinas.
Sa statement naman na inilabas ng U.S. State Department, hinikayat nito ang Chinese government na iakma ang maritime claim nito sa international law.
Sinabi ni US Department of State Spokesperson Matther Miller na hinihikayat nila ang China na sumunod sa international law na nakapaloob sa 1982 Law of the Sea Convention, gayundin tigilan ang routine harassment sa mga sasakyang pandagat ng iba pang claimant state na legal na nag-o-operate sa kani-kanilang exclusive economic zones.
Nanawagan din ang Estados Unidos na itigil ang paggambala sa sovereign rights ng mga estado na i-explore, i-exploit, mag-conserve at pangasiwaan ang natural resources sa lugar, gayundin wakasan ang interference sa freedoms of navigation at overflight ng mga bansang legal na nag-ooperate sa rehiyon.
Dagdag pa ng U.S. official na patuloy na makikipagtulungan ang Amerika sa mga allies at partners nito para isulong ang malaya at bukas na Indo-Pacific para sa isang payapa at may pagrespeto sa international law.
Weng dela Fuente