Dokumentong isinulat ni Aretha Franklin na nadiskubre sa isang sofa, idineklarang valid ng jury
Idineklara ng isang Michigan jury na may bisa o valid, ang isang dokumentong isinulat kamay ni Aretha Franklin na nadiskubre sa isang sofa cushion na naglalaman ng kaniyang mga habilin.
Si Franklin na tinaguriang Queen of Soul na namatay sa edad na 76 noong August 16, 2018 dahil sa pancreatic cancer, at kilalang isang pribadong tao ay walang iniwang “formal will,” ngunit ang nakasulat-kamay na mga dokumentong nadiskubre sa kaniyang bahay sa Detroit ay pinagmulan ng ilang taon nang sigalutan sa pagitan ng kaniyang mga anak na lalaki.
Ang nabanggit na mga dokumento na mahirap basahin, ay lumilitaw na naglalaman ng pagkakahati-hati ng kaniyang mga ari-arian kabilang ang real estate, alahas, furs, stereo equipment at music royalties para sa mga miyembro ng kaniyang pamilya.
Ang isa na may petsang 2010 ay nakita sa isang naka-kandadong cabinet, habang ang isa na ang petsa ay 2014 ay natagpuan sa ilalim ng cushions ng sofa.
Mas pinaboran ng dalawa sa mga anak ni Aretha na sina Edward at Kecalf Franklin ang 2014 document, habang naniniwala naman ang isa pa niyang anak na si Ted White, Jr., na mas lehitimo ang 2010 document na nakita sa cabinet.
Gayunman, ang dalawang dokumento ay kapwa naglalaman ng pantay na pagkakahati ng kaniyang mga ari-arian sa tatlo niyang mga anak na lalaki.
Nabatid na ang panganay na anak ni Franklin na si Clarence, ay may sakit sa pag-iisip at naninirahan sa ilalim ng isang court-appointed guardian. Sumang-ayon naman ang kaniyang mga kapatid na siya ay suportahan.
Ang desisyon ng anim kataong miyembro ng jury, ay partikular na pumabor kay Kecalf Franklin at sa kanyang mga anak, na ngayon ay nakatakdang manahin ang primary residence ng singer, isang mansyon sa isang mayamang suburb sa Detroit, maaaring pati ang kaniyang mga sasakyan.
Mahalagang tinutukan sa paglilitis ang isang lagda sa 2014 document, kung saan makikita ang “A. Franklin” na may kasamang smiley face sa unang initial na pinatotohonan ni Kecalf Franklin na “katangian” ng sulat-kamay ng kanyang ina.
Nagbigay ng desisyon ang jury pagkatapos ng humigit-kumulang isang oras na deliberasyon, upang isara na ang dalawang araw na mabilis na paglilitis.
Sa loob ng maraming taon, ang mga tagapamahala ng ari-arian ni Franklin ay nagbabayad ng mga utang at nagbabayad ng mga buwis, habang kumikita rin ng royalties mula sa music at intellectual property.
Ang pagkamatay ni Franklin sa Detroit ang nagsara sa kurtina ng anim na dekada niyang maningning na singing career na kinapapalooban ng gospel, Rock and Ballad o R&B, jazz, blues at maging ng classical music.