ICC Appeal’s Chamber papasyahan ang apela ng Pilipinas sa July 18, 2023
Ibababa sa susunod na linggo ng Appeal’s Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang desisyon nito sa apela ng gobyerno ng Pilipinas laban sa pagpapagtuloy ng imbestigasyon ng ICC prosecutor sa mga pagpatay na naganap sa ilalim ng war on drugs ng pamahalaan.
Sa inilabas na scheduling order ng Appeal’s Chamber na nilagdaan ni Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut, sinabi nito na ibababa ang hatol sa open court sa Martes, July 18, alas-diyes ng umaga, oras sa The Hague.
Noong Enero, pinahintulutan ng ICC ang prosecutors office na buhayin ang imbestigasyon sa mga pagpatay na nangyari sa implementasyon ng war on drugs sa Pilipinas.
Taong 2019 nang kumalas ang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC matapos magsagawa ng preliminary probe ang The Hague-based international tribunal, na sinundan ng pormal na pagsisiyasat bago natapos ang taon.
Nasuspindi ang pagsisiyasat noong Nobyembre 2019 matapos tiyakin ng gobyernong Pilipinas nan ire-repaso nito ang daan-daang kaso ng drug operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspects sa kamay man ng pulisya, hitmen at vigilantes.
Pero muling isinulong ni ICC Prosecutor Kharim Khan ang pagbuhay sa pagsisiyasat dahil wala aniyang patunay na ginagawa ng Pilipinas ang re-examination sa mga kaso.
Kinwestyon ng Office of the Solicitor General (OSG) ang hurisdiksyon ng ICC na imbestigahan ang kaso gayong kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute.
Pero hiniling ni Khan sa Appeal’s Chamber na ibasura ang apela ng Pilipinas na pigilan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa war on drugs dahil bigo ang gobyernong tukuyin ang pagkakamali sa naunang desisyon o tukuyin ang pagkakamali na makaka-apekto ng malaki sa desisyon.
Weng dela Fuente