Hollywood strike
Libu-libong mga artista sa Hollywood ang nagwelga, na potensiyal na magpapahinto sa higanteng negosyo ng pelikula at telebisyon dahil lalahok sila sa mga manunulat sa unang pang-buong industriyang “walkout” sa loob ng 63 taon.
Ang Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) ay naglabas ng strike order, nang walang mapagkasunduan sa pagtatapos ng huling pakikipag-usap sa mga studio tungkol sa kanilang mga kahilingan sa lumiliit na suweldo at sa banta ng artificial intelligence.
Sinabi ni SAG-AFTRA president Fran Drescher, “This is a moment of history, a moment of truth — if we don’t stand tall right now, we are all going to be in trouble. We are all going to be in jeopardy of being replaced by machines and big business.”
Matapos ang pormal na pagsisimula ng welga, sasama na ang mga aktor sa mga manunulat sa picket lines sa unang Hollywood “double strike” mula noong 1960.
Ang mga manunulat ay 11 linggo nang nagpo-protesta sa labas ng headquarters ng mga studio gaya ng Disney at Netflix, matapos ding hindi maibigay ang kanilang mga hinihingi.
Sa pagtigil ng halos lahat ng mga produksyon at set ng pelikula, ang mga sikat na serye sa telebisyon ay nahaharap sa mahabang pagkaantala.
Sinimulan na ng mga studio ng pelikula ang reshuffling ng kanilang mga kalendaryo, at kung magtatagal ang mga strike, maaaring ipagpaliban din ang pagpapalabas ng mga pangunahing pelikula.
Dahil sa strike, hindi makapagpo-promote ang mga aktor sa ilan sa pinakamalaking pelikula ng taon, na peak pa naman ng summer blockbuster season ng industriya ng pelikula.
Nag-walkout ang cast ng mainit na inaabangang bagong pelikulang “Oppenheimer” sa London premiere nito bilang pakikiisa sa welga.
Sinabi ng British actor na si Kenneth Branagh sa red carpet, bago ang anunsiyo ng strike, “We know it’s a critical time at this point in the industry and the issues that are involved need to be addressed — there are difficult conversations. I know everybody’s trying to get a fair deal, that’s what’s required, so we’ll support that.”
Ang SAG-AFTRA ang kumakatawan sa nasa 160,000 mga aktor — lahat mula sa A-list stars gaya nina Meryl Streep, Jennifer Lawrence at Glenn Close hanggang sa day players na may maliliit na papel sa television series.
Ang huling pagkakataon na nagsagawa ng strike ang actors’ union, ay noong 1980, at tumagal ito ng higit sa tatlong buwan.
Sa pagkakataong ito, nasa 98 porsiyento ng mga miyembro ang bumoto sa nauna nang inaprubahang strike kung walang magaganap na kasunduan.
Ayon kay Drescher, “We are the victims here. We are being victimized by a very greedy entity. I am shocked by the way the people that we have been in business with are treating us.”
Makaraang bumagsak ang usapan, sinabi ng unyon sa isang pahayag, “Actor’s pay had been ‘severely eroded by the rise of the streaming ecosystem,’ and that ‘artificial intelligence poses an existential threat’ to creative professions.”
Sinabi ng mga aktor na binawasan ang kanilang mga suweldo, at nawala na rin ang mga bayad na dati nilang tinatanggap kapag ang matagumpay na mga palabas o pelikulang pinagbidahan nila ay muling ipinalabas sa telebisyon, dahil tumatanggi ang mga streamer na ibunyag ang bilang ng viewers nito.
Kung ang welga ng mga manunulat ay kapansin-pansing nakapagpabawas sa bilang ng produksiyon ng mga pelikula at palabas, ang walkout ng mga aktor ay makapagpapahinto sa halos lahat.