Welga sa mga daungan sa kanlurang Canada tumigil na matapos magkaroon ng kasunduan
Natapos na ang 13 araw na welga na naging sanhi ng pagsasara ng mga daungan sa kahabaan ng west coast ng Canada, kabilang ang pinakamalaki sa Vancouver.
Mahigit sa 7,000 terminal cargo loaders at 49 na waterfront employers sa 30 mga daungan ang nagwelga noong July 1, makaraan ang ilang buwang bigong mga negosasyon.
Ang port automation, ang tumataas na halaga ng mga bilihin at iba pa at ang outsourcing, ang mga pangunahing isyu sa likod ng strike na pinangunahan ng International Longshore and Warehouse Union (ILWU) ng Canada.
Sa isang joint press release ay sinabi ng ILWU at ng British Columbia Employers Association (BCMEA), “Parties have reached a tentative agreement on a new 4-year deal. The tentative agreement is subject to ratification by both Parties, and subsequently, details of the agreement will not be released at this time.”
Habang nagpapatuloy ang welga at nagsimulang maramdaman ang mga epekto nito sa buong ekonomiya, ang ilang industriya, gaya ng sektor ng sasakyan, ay nanawagan para sa federal intervention upang malutas ang krisis.
Sa pagtaya ng Greater Vancouver Board of Trade, naapektuhan ng welga ang tinatayang 9.7 billion Canadian Dollar o (US$7.4 billion) kalakalan.
Una nang sinabi ng BCMEA, na 16 na porsiyento ng kabuuang kalakalan noong 2020 ay ginawa sa pinagsama-samang mga daungan sa kanlurang baybayin ng Canada.
Sa Port of Vancouver lamang, ay nagkaroon ng humigit-kumulang Can$305 billion (US$342 billion) halaga ng kalakalan kada taon, at nakapag-ambag ito ng Can$11.9 billion sa taunang kita ng bansa.
Pinuri naman ni Labor Minister Seamus O’Reagan na natapos na ang strike. Aniya, “The scale of the disruption has been significant,” na siya ring tinuran ni Transport Minister Omar Alghabra.
Ayon kay Bridgitte Anderson, pinuno ng Greater Vancouver Board of Trade, “It will take some time for normal cargo operations to restore and for the economy to recover fully. Looking forward, we need to rebuild our reputation as a stable trading partner and ensure the future resiliency and stability of our supply chain.”
Ang anunsiyo ng kasunduan ay malugod ding tinanggap ng Canadian Chamber of Commerce.
Sinabi ng presidente nito na si Perrin Beatty, “The Canadian economy was seriously damaged during these 13 days. This strike demonstrates that government must increase the tools available to ensure labor stability for our critical infrastructure and our supply chains.”