Pilipinas hindi na makikipag-ugnayan sa ICC – Remulla
Hindi na ikinagulat ni Justice Secretary Crispin Remulla ang desisyon ng Appeals Chamber ng International Criminal Court (ICC) na payagan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa giyera kontra droga ng Pilipinas.
Inihayag ni Remulla na hindi na makikipag-ugnayan ang Pilipinas sa ICC matapos ang nasabing ruling.
Kaugnay nito ay kakausapin ng kalihim si Solicitor General Menardo Guevarra para itigil na ang pakikipag-usap sa ICC.
Binalaan naman ni Remulla ang ICC na huwag itong magtungo sa Pilipinas dahil kung ipipilit ng mga ito ang kanilang otoridad ay magkakaproblema dahil usurpation of authority ito.
Tanong pa ni Remulla, ano ang sistema ng hustisya o batas ang paiiralin ng ICC para habulin ang mga taong gusto nitong imbestigahan at papanagutin?
Nanindigan naman ang justice secretary na hindi papayag ang gobyerno ng Pilipinas na ipilit ng ICC ang nais nito sa Pilipinas.
Moira Encina