Pagmamay-ari ng baril pinahihigpitan ng gobyerno ng Brazil
Lumagda ng isang kautusan ang leftist president ng Brazil na si Luiz Inacio Lula da Silva, na maglilimita sa mga sibilyan na magmay-ari ng baril sa layuning mabawasan ang lumaking bilang ng mga nagmay-ari ng armas sa panahon ng pinalitan niyang si Jair Bolsonaro.
Sinabi ni Lula, “We will continue to fight for fewer weapons in our country. Only the police and the army must be well-armed.”
Ayon sa Public Security Forum na isang non-government organization (NGO), ang hakbang ay ginawa pagkatapos ng ilang insidente ng pamamaril kamakailan sa mga paaralan sa bansa.
Ang utos ni Lula sa “responsableng pagkontrol sa armas” ay maglilimita sa indibidwal na magmay-ari ng hanggang dalawang armas lamang para sa personal na depensa.
Sinumang nagnanais na magkaroon ng baril ay kailangang patunayan na kailangan nila ito.
Ang mga hunter, sports shooters at collectors ay papayagan lamang na magmay-ari ng anim na armas, mas mababa mula sa dating 30.
Hihigpitan din ang bentahan ng mga bala, gayundin ang mga oras ng pagbubukas ng mga shooting range na hindi na maaaring mag-operate sa loob ng isang kilometro (0.6 milya) layo sa isang paaralan.
Ayon sa anti-violence NGO na Instituto Sou da Paz, mahigit isang milyong armas na hawak ng sibilyan ang nasa rehistro sa Brazil noong Hulyo 2022 — halos tatlong beses ang bilang bago manungkulan si Bolsonaro.
Sinabi ng grupo na ang bagong kautusan, “ay kumakatawan sa hakbang upang manumbalik ang mga pamantayan sa responsibilidad at legal na katiyakan sa pagkontrol ng armas sa Brazil.”
Ipinakilala rin ng gobyerno ni Lula ang isang panukalang batas na magpapataw ng mas mahigpit na parusa sa karahasan sa mga paaralan.