Niger Junta, binigyan ng African leaders ng isang linggo upang isuko ang kapangyarihan
Binigyan ng African leaders ng isang linggo ang junta sa Niger upang isuko ang kapangyarihan o harapin ang posibleng paggamit ng puwersa, matapos na ang pinakabagong kudeta sa rehiyon ng Sahel na nililigalig ng jihadist ay ikinaalarma ng kontinente at ng Kanluran.
Sa ikatlong kudeta sa maraming taon upang pabagsakin ang isang pinuno sa Sahel, ang nahalal na pangulo ng Niger at Western ally na si Mohamed Bazoum, ay hawak na ng militar mula pa noong Miyerkules.
Idineklara ni General Abdorahamane Tiani, pinuno ng makapangyarihang presidential guard, ang kaniyang sarili bilang lider at sinabing ang kudeta ay isang tugon sa “pagkasira ng sitwasyon ng seguridad” na nauugnay sa jihadist bloodshed, pati na rin sa katiwalian at mga problema sa ekonomiya.
Si Bazoum ay kabilang sa lumiliit na grupo ng mga nahalal na pangulo at maka-Kanlurang mga lider sa Sahel, kung saan mula noong 2020 isang jihadist insurgency ang nagbunsod din ng mga kudeta sa Mali at Burkina Faso.
Sinuspinde na ng dating colonial ruler na France at ng European Union ang security cooperation at financial aid sa Niger kasunod ng coup, habang nagbabala naman ang Estados Unidos na ang tulong nila ay nakataya rin.
Sa isang emergency summit sa Nigeria, ay hiningi ng Economic Community of West African States (ECOWAS) regional bloc na si Bazoum ay maibalik sa puwesto sa loob ng isang linggo, kung hindi ay gagawin nila ang “lahat” upang mapanumbalik ang constitutional order.
Sa isang pahayag ay sinabi ng grupo, “Such measures may include the use of force for this effect.”
Ayon kay Bola Tinubu, pangulo ng Nigeria at ECOWAS chairman, “No more time for us to send a warning signal… It’s time for action.”
Sinabi naman ni US Secretary of State Antony Blinken, “Washington welcomed the strong leadership of the Economic Community of West African States (ECOWAS) Heads of State and Government to defend constitutional order in Niger.”
Sumama sila sa panawagan ng agarang pagpapalaya kay Bazoum at pagbabalik ng democratically-elected government.
Ayon pa kay Blinken, “The United States will remain actively engaged with ECOWAS and West African leaders on next steps to preserve Niger’s hard-earned democracy.”
Hindi agad malinaw kung paano maaaring gumamit ng puwersa ang 15 miyembrong ECOWAS. Noong nakaraang taon, ang grupo ay sumang-ayon na lumikha ng isang panrehiyong puwersang panseguridad upang mamagitan laban sa mga jihadist at maiwasan ang mga kudeta ng militar, ngunit ang mga detalye at ang pagpopondo rito ay hindi pa nakabalangkas.
Pinatawan din ng grupo ng financial sanctions ang junta leaders at ang bansa, at isinailalim sa freezing ang “lahat ng mga transaksiyong komersiyal at pinansiyal” sa pagitan ng member states at Niger, na isa sa pinakamahirap na bansa sa mundo, na malimit ay nasa huli sa Human Development Index ng UN.
Sinabi ni Niger Prime Minister Ouhoumoudou Mahamadou, “Sanctions were ‘going to be a disaster’ both economically and socially.”
Nanawagan ang partido ni Bazoum na PNDS para magsagawa ng mga demonstrasyon upang hingin ang pagpapalaya sa pangulo.
Noong Sabado ay kinondena ng junta ang ECOWAS summit, sa pagsasabing ang layunin nito ay upang “aprubahan ang isang planong agresyon laban sa Niger, sa uri ng isang napipintong military intervention sa Niamey.”
Sinabi ng miyembro ng junta na si Amadou Abdramane, ”The intervention would be ‘in cooperation with African countries’ who are not members of the regional body and certain Western nations.”
Nagpost naman sa kaniyang social media ang dating Niger president na si Mahamadou Issoufou, na pinalitan ni Bazoum bilang pinuno ng estado, na intensiyon niyang makipagnegosasyon sa junta upang maibalik si Bazoum sa pagiging pangulo.
Sa kabisera na Niamey, libu-libong katao ang nagwagayway ng bandila ng Russia at Niger sa labas ng national parliament bilang pagpapakita ng suporta para sa junta.
Ang Moscow ay maraming taon nang nagsisikap na palakasin ang impluwensya nito sa Africa, at sa kapitbahay ng Niger na Mali – isa pang naghihirap na dating kolonya ng Pransya – ang military junta ay nakikipagtulungan sa mga pwersa mula sa Russia.
Kalaunan, ang mga demonstrasyon ay umusad sa French embassy sa Niamey, kung saan sinira ng ilan ang isang sign para sa embassy at pinagtatapakan ito.
Sinubukan din ng mga ito na pasukin ang embahada, ngunit nabuwag sila dahil sa tear gas.
Kinondena naman ng Pransya ang pag-atake sa kanilang embahada, at nagbabala na gaganti sila kapag inatake ang kanilang mga mamamayan at interes at sinabing pinaigting na nila ang seguridad sa embahada.
Matapos ang sunod-sunod na pagkondena sa kudeta, sinimulan na sa Kanluran ang mga hakbang sa pagpaparusa.
Ayon sa France, na mayroong 1,500 mga sundalo sa Niger, na sususpendihin nila ang development aid at budgetary support sa naturang bansa sa West Africa.
Habang sinabi naman ni European Union diplomatic chief Josep Borrell, na hindi kikilalanin ng EU ang junta at inanunsiyo ang “indefinite suspension” ng security cooperation sa Niger na agad magkakabisa, maging ng budgetary aid.
Nagpahayag naman ng matatag na suporta kay Bazoum ang Estados Unidos na mayroong nasa 1,000 mga sundalo sa Niger.
Kinondena ng African Union ang kudeta at nagpahayag ng labis na pag-aalala sa nakaaalarmang insurhensiya ng military coup d ‘etat sa Africa.
Nagkaroon ng magulong kasaysayang pampulitika ang Niger mula nang lumaya ito noong 1960, kung saan nagkaroon na ng apat na kudeta pati na rin ng maraming iba pang mga pagtatangka — kabilang ang naunang dalawa na laban din kay Bazoum.