DILG pinai-imbestigahan din ang pagbagsak ng mga poste sa Binondo Maynila

Pinai-imbestigahan na rin ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang nangyaring pagbagsak ng mga poste ng kuryente sa Binondo, Maynila.

Sa statement, inatasan ni DILG Secretary Benhur Abalos si BFP Chief Louie Puracan na magsagawa ng agarang pagsisiyasat sa insidente.

Unang inilarawan ng Manila Electric Company o MERALCO na ‘freak accident’ ang nangyari kung saan tatlo ang nasugatan at walong sasakyan ang napinsala matapos tumumba ang pitong poste sa bahagi ng Quintin at Paredes Streets sa Binondo, Maynila.

Inatasan din ang BFP na makipag-ugnayan sa MERALCO para magbigay ng tulong sa mga naapektuhang indibidwal, gayundin sa clearing operations sa lugar.

Dahil sa insidente, nanawagan si Abalos sa lahat ng local government units (LGUs) na inspeksyunin ang mga poste ng kuryente, construction sites, billboards, at iba pang katulad na instalasyon na maaaring bumagsak kapag may malakas na ulan.

“A memorandum circular will be issued regarding the matter to ensure compliance and prompt action,” dagdag ni Abalos.

Sa panayam ng programang Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sa NET25, sinabi ni Joe Zaldarriaga, spokesman ng MERALCO, na patuloy nilang sinusuri kung ano ang nangyari sa insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin daw sila sa Manila City government at sa DILG para sa mga kailangang hakbang.

Target ng MERALCO na maibalik ngayong Biyernes ang supply ng kuryente sa lima pang establisimyento na wala pang kuryente.

Naitayo na rin ang limang poste sa lugar pero kailangan pang ayusin ang mga kable.

Apektado rin ang internet services dahil sinabi ng telecom company na nakasasakop sa lugar na hinintayin muna nilang matapos ang isinasagawang repair bago muling mai-konekta ang mga kable.

Ilan sa tinitingnang posibilidad ng MERALCO sa insidente ang bigat ng mga kableng nakakabit sa poste o may truck na sumabit sa kable ang naging sanhi sa pagbagsak ng mga poste.

Weng dela Fuente

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *