Tatlo patay sa insidente ng pamamaril sa California
Tatlo katao ang namatay at anim na iba pa ang nasugatan matapos paputukan ng isang retiradong pulis na masama ang loob dahil sa bigong pag-aasawa, ang kaniyang asawa at iba pa sa isang bar sa southern California na popular sa mga biker.
Napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek, na kinilala kalaunan ng Orange County Sheriff office na si John Snowling, 59-anyos.
Nasugatan ang kaniyang asawa ngunit nakaligtas sa insidente.
Sinabi ni Orange County prosecutor Todd Spitzer, na si Snowling, na nagretiro noong 2014 makaraan ang halos 30 taon bilang pulis, ay nagtungo sa nabanggit na bar at hinanap ang asawang si Marie.
Ayon kay Orange County Sheriff Don Barnes, “He walked directly to her. There was not a discussion, a dialogue or an argument. He immediately fired upon her, striking her once.”
Pagkatapos nito ay binaril at napatay din ni Snowling ang isa pang babae na nakaupo sa tabi ng kaniyang asawa, maging ang dalawa pang lalaki. Bukod dito ay nasugatan din ang anim na iba pa na ang dalawa ay malubha ang lagay.
Nangyari ang pamamaril sa isang bar na tinatawag na Cook’s Corner na popular sa mga biker at ang lokasyon ay halos isang oras ang layo sa bahaging timog-silangan ng Los Angeles.
Kuwento ni Betty Fruichantie, kaibigan ni Marie Snowling na naroon din sa bar, “John went after his wife. She was the target, but he was shooting everywhere else, too. He went up to different tables and shot at people at different tables.”
Dagdag pa niya, “People were on the floor and people were, like, over people, trying to help them, holding their wounds. It was just awful. It was awful.”
Sinabi ng mga imbestigador na lumitaw sa paunang pagsisiyasat, na ang suspek ay lumipad mula sa Ohio kung saan siya nakatira, upang magtungo sa bar kung saan naroroon ang kaniyang asawa.
Subalit sinabi ng sheriff na hindi pa tiyak kung sinusundan ba ng suspek ang kaniyang asawa.
Si Snowling ay agad na nabaril sa isang konprontasyon sa mga pulis sa paradahan ng mga sasakyan sa likod ng bar.
Naglabas naman ng pahayag si Governor Gavin Newsom at sinasabing nagdadalamhati ang California para sa mga biktima, at idinagdag na 2/3 ng mass shooters sa America ay may “history” ng domestic violence.
Ayon sa Gun Violence Archive (GVA), isang non-governmental group, sa Estados Unidos ay mas marami pang baril kaysa tao kung saan 12,000 katao na ang namatay dahil sa gun violence ngayong taon.
Sinabi ng isang GVA tracker na higit 15,000 pa ang namatay naman dahil sa suicides na kinasasangkutan ng firearms.
Dagdag pa ng grupo, “There have been at least 465 mass shootings — defined as incidents where four or more people were shot and either killed or wounded, aside from the shooter — in 2023.”