Mga reklamong economic sabotage at profiteering maaaring isampa sa mga hindi susunod sa price cap sa bigas, ayon sa DOJ
Kumikilos na ang Department of Justice (DOJ) para matiyak na masusunod ang kautusan ng gobyerno na price ceiling sa bigas.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na lilikha ang DOJ ng mga team na magbabantay sa merkado ng implementasyon ng price cap.
Aalamin din aniya ng kagawaran ang batayan ng mga negosyante sa pagtatakda ng kanilang presyo.
Ayon sa kalihim, mga reklamong economic sabotage at profiteering ang ilan sa puwedeng isampa laban sa mga hindi susunod o mananamantala.
Inihayag pa ni Remulla na patuloy pa ang pagkalap ng DOJ ng mga ebidensya laban sa mga nasa likod ng smuggling ng iba pang mga agricultural products na una nang iniutos ng Malacañang.
“Pinagaaralan natin ang merkado ang supply side, pinag-aaralan natin at alam natin kung saan nanggagaling talaga ang mga tao na ito kung ano ang kanilang basehan sa kanilang pagpipresyo ng mataas at bakit ganoon ang nangyayari marami diyan nanggagaling sa profiteering side kahit di na tama ay ginagawa pa rin” pahayag ni Secretary Remulla.
Moira Encina