Pilipinas, handang pamunuan ang ASEAN sa 2026
Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na handa ang Pilipinas na pamunuan ang ASEAN sa 2026 sa halip na Myanmar.
Ang Myanmar ay dumaranas ng mga karahasan na nagreresulta sa mga pagkamatay, simula nang pabagsakin ng isang military coup ang gobyerno ni Aung San Suu Kyi noong 2021, at nagsagawa ng madugong pagsugpo sa mga hindi sumasang-ayon.
Sa kaniyang pagsasalita sa harap ng mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations sa Jakarta ay sinabi ni Marcos, “It is my pleasure to announce that the Philippines is ready to take the helm and chair ASEAN in 2026. We will fortify the foundations of our community-building and navigate ASEAN as it embarks on a new chapter.”
Hindi naman sinabi ng pangulo kung bakit iti-take over ng Pilipinas ang chairmanship mula sa Myanmar.
Gayunman, sinabi ng dalawang Southeast Asian diplomats na dumadalo sa summit na ang hakbang ay sinang-ayunan ng mga pinuno upang hindi mapinsala ng krisis ang agenda ng ASEAN at maiwasang magtungo sa Myanmar ang “external partners” para sa kanilang pagtitipon.
Ayon sa isang diplomat na ayaw magpakilala, “It’s been decided. It was announced at the leaders’ meeting and there was no objection.”
Dagdag pa ng naturang diplomat, na sumulat ang ASEAN sa Pilipinas upang hilingin kung handa ba itong tanggapin ang chairmanship para sa 2026 at tinanggap naman ito ng bansa.
Isa pang diplomat na ayaw ding magpakilala, ang nagsabi na ang palitan ay napagkasunduan matapos i-assess ng mga pinuno ang progreso ng isang five-point plan na napagkasunduan dalawang taon na ang nakalilipas na ang junta sa Myanmar ay malawakang binabalewala.
Ang Laos ang magiging host ng summit sa susunod na taon at ang Malaysia ang magiging chairman ng event sa 2025.