Mga guho, ginalugad ng rescuers sa paghahanap ng mga nakaligtas pagkatapos ng malakas na lindol sa Morocco
Gamit ang heavy equipment at maging ang kanilang mga kamay, nagsikap ang mga rescuer sa Morocco na makahanap ng mga nakaligtas sa mapangwasak na lindol na ikinamatay ng mahigit sa 2,100 katao at nagpadapa sa mga nayon.
Ang mga unang foreign rescuer ay dumating na upang tumulong matapos na ang pinakamalakas na lindol sa North Africa ay pumatay ng hindi bababa sa 2,122 katao at sumugat sa higit 2,400, na karamihan ay malubha, ayon sa opisyal na bilang na in-update nitong Linggo.
Ang 6.8-magnitude na lindol noong Biyernes ay tumama 72 kilometro (45 milya) timog-kanluran ng tourist hub ng Marrakesh, at winasak na ng buo ang mga nayon sa mga burol ng kabundukan ng Atlas.
Nitong Linggo, isang magnitude 4.5 na aftershocks ang tumama sa kapareho ring rehiyon.
Ayon sa ulat ng mga mamamahayag, ang mabundok na nayon ng Tafeghaghte, 60 kilometro mula sa Marrakesh, ay halos lubusang nawasak, kung saan iilang gusali na lamang ang namalaging nakatayo.
Sa mga guho ay naghanap ng mga nakaligtas o kaya ay labi ng mga namatay, ang civilian rescuers at mga miyembro ng armed forces ng Morocco kung saan nakarekober sila ng isang katawan mula sa guho ng isang bahay. Apat na iba pa ang tuluyan nang nalibing.
Marami sa mga bahay sa liblib na mabundok na mga nayon ay yari sa mud bricks.
Sa village ng Amizmiz, malapit sa Tafeghaghte, ay isang bangkay ang nakuha mula sa mga guho. Ang dalawang nabanggit na village ay nasa Al-Haouz province, na siyang sentro ng lindol, kung saan nakapagtala ang mga awtoridad ng 1,351 mga namatay.
Ayon sa Moroccan public television, mahigit sa 18,000 mga pamilya ang naapektuhan ng lindol sa Al-Haouz.
Nitong Linggo ay dumagsa ang mga mamamayan sa mga pagamutan sa Marrakesh upang mag-donate ng dugo para makatulong sa mga nasaktan.
This handout satellite photograph taken on September 10, 2023 shows a view of a collapsed building in the aftermath of the deadly 6.8-magnitude September 8 earthquake, in the village of Moulay Brahim in al-Haouz province in the High Atlas mountains of central Morocco. Rescuers in Morocco on September 10 stepped up efforts to find survivors of a devastating earthquake that killed more than 2,100 people and flattened villages. (Photo by Satellite image ©2023 Maxar Technologies / AFP)- Crucial hours –
Sinabi ng defence ministry ng Spain, na isang A400 airlifter ang umalis mula sa Zaragoza na may sakay na 56 na rescuers at apat na search dogs upang magtungo sa Marrakesh at tumulong sa paghahanap sa mga posibleng nakaligtas.
Ayon kay Defence Minister Margarita Robles, “We will send whatever is needed because everyone knows that these first hours are key, especially if there are people buried under rubble.”
Kaugnay ng lindol ay nagdeklara na ng tatlong araw na pagluluksa ang mga kinauukulan.
Bukod sa Spain, inanunsiyo ng Morocco nitong Linggo na nakatanggap na ito ng tulong mula sa tatlong mga bansa, ang Britanya, Qatar at United Arab Emirates.
Sinabi ni French President Emmanuel Macron, na pinakilos na nila ang lahat ng technical at security teams upang tumulong, sakaling kailanganin ng Morocco.
Si Macron ay nangako ng tulong kasama ni Indian Prime Minister Narendra Modi at mga pinuno ng World Bank, International Monetary Fund, African Union at European Commission, upang pakilusin ang kanilang technical at financial tools para tulungan ang mga mamamayan ng Morocco.
Nagpahayag din ang Estados Unidos ng kahandaang magpadala ng search-and-rescue teams.
Samantala, ang Algeria na may matagal nang hindi magandang relasyon sa Morocco, ay binuksan ang kanilang himpapawid na dalawang taon nang sarado, para sa flights na may dalang humanitarian aid at para sa paglilikas ng mga nasaktan.
Nag-alok din si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu, na noong 2020 ay nagtatag ng pakikipag-ugnayan sa Morocco na magpadala ng search-and-rescue teams.
Nagbabala naman ang Red Cross na maaaring abutin ng taon bago maayos ang mga pinsala.
Sinabi ni Hossam Elsharkawi, ang direktor ng Red Cross sa Middle East at North Africa, “It won’t be a matter of a week or two… We are counting on a response that will take months, if not years.”
Ang naturang lindol ang pinakamapaminsalang nangyari sa Morocco mula nang wasakin ng isang lindol noong 1960 ang Agadir, na ikinamatay ng mahigit sa 12,000 katao.