Ayuda sa rice retailers sa Pasay City, ipinamahagi na; Subsidiya sa ilang retailers, naantala dahil sa discrepancy sa pangalan

Nakatanggap na ng P15,000 na rice subsidy mula sa nasyonal na pamahalaan ang mga lehitimong retailer ng bigas sa Lungsod ng Pasay.

Umaabot sa mahigit 50 rice retailers lamang ang binigyan ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang retailers ay batay sa listahan na isinumite ng Pasay City LGU na nakapasa sa screening.

Kakaunti ang nasabing bilang ng mga benepisyaryo kumpara sa ibang mga lungsod na daan-daan.

Aminado si Pasay City Mayor Emi Calixto- Rubiano na naging mahigpit sila sa screening para matiyak na ang mga lehitimong retailer lamang na naapektuhan at sumunod sa price cap sa bigas ang makatatanggap ng rice subsidy.

“Kaya naman kami inikot po talaga itong mga palengke kahit talipapa tapos po kung anong rules doon dapat na-comply nila para magqualify hindi po pwedeng basta nagtitinda lang sila wala silang proper documents na talagang sila ay legit rice retailers na meron silang business permit etcetera.” pahayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto – Rubiano

Nagpasalamat naman ang retailers sa assistance dahil magagamit nila ito na karagdagang puhunan sa negosyo.

Sinabi ng mga negosyante na bagamat apektado ang kita nila ay maliit lamang ang lugi.

“Malaking tulong na rin ito pandagdag ng puhunan” pahayag ni Emelita Maga

“Kaunti lang naman hindi masyadong malaki mas malaking tulong” pahayag naman ni Edgardo Gamboa

Gayunman, may ilang retailers sa Pasay ang naantala ang pagtanggap ng ayuda dahil sa discrepancy sa pangalan mula sa opisyal na listahan ng gobyerno.

Isa na rito si Mang Remegio na nagkaproblema sa pag-claim ng ayuda dahil sa manugang niya ipinangalan ang business permit bagamat siya talaga ang may-ari ng tindahan nila ng bigas.

“Sa interview kasi pangalan ko inilagay pero ang nakalagay sa lisensya yung manugang ko kaya yun ang problema.” paliwanag ni Remegio Atasar

Iba naman ang spelling ng apelyido ni Aling Gertrudes sa tala na hawak ng DSWD at DTI na mula sa LGU kaya hindi rin agad naproseso ang kaniyang claim bagamat maaga siyang nagpunta sa lugar.

Ini-spell out ko naman name ko pero sa pag-type nila mali.” reklamo ni Gertrudes Guittap

Palayaw naman ni Aling Divina na Beng ang nakasaad sa listahan sa halip na ang tunay niyang pangalan kaya nagkaproblema rin siya sa pagkuha ng ayuda.

“Siguro dapat improve nila system kung paano sila manghingi details ng mga pangalan ng store owners gaya sa amin naka SEC ito pero hindi ito corporation, family business lang partnership lang isa pang concern.” paliwanag naman ni Maria Divina Caducio

Tiniyak naman ng alkalde na isasaayos nila ang isyu ng discrepancy at kinausap na ang concerned agencies para matanggap ang ayuda ng retailers ngayong Huwebes.

“Yung mga documents na kailangan para mapatunayan na sila po yung same person ay talaga mai-puprove at may accountability ang ibang authorities mga heads namin na isi-certify talaga nila na patunayan ito ay talagang siya rin yung may-ari.” paliwanag ng Alkalde.

Samantala, bukod sa rice subsidy mula sa national government nagkaloob din ng karagdagang P5,000 at food packs ang Pasay LGU sa retailers.

Posible naman aniyang madagdagan pa ang mga retailer na makatanggap ng ayuda dahil may ilan pa na hindi nakapagsumite ng requirements.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *