Kooperasyon ng India hiningi ng Canada sa isang murder investigation
Nanawagan si Canadian Prime Minister Justin Trudeau sa India na makipagtulungan sa imbestigasyon nito sa pagpaslang sa isang Sikh separatist, makaraang ituro ang Indian agents bilang mga suspek.
Sa sidelines ng United Nations (UN) General Assembly sa New York ay sinabi ni Trudeau, “We call upon the government of India to work with us to establish processes to uncover the truth of this matter and to allow for justice and accountability to be served.”
Gayunman, ay tumanggi ito na magbigay ng ebidensiya na nagtulak sa kaniya upang akusahan ang India sa pagpatay, at iminungkahi na bahala na ang mga korte kung isasapubliko nila ang paglilitis sa kaso.
Matatandaan na noong Lunes, ay na-trigger ang isang major diplomatic row nang maglabas siya ng mga alegasyon na may papel ang Indian agents sa pagpatay kay Hardeep Singh Nijjar noong Hunyo, isang Canadian citizen, malapit sa Vancouver.
Nagbunga ito ng mga diplomatic expulsion at matinding pagtanggi mula sa India, na nagsabing anumang suhestiyon na may naging papel sila sa pagpatay kay Nijjar ay walang katotohanan.
Itinigil din ng India ang pagpoproseso ng visa applications sa Canada, dahil sa “security threats” na anila’y “nakagagambala” sa trabaho ng kanilang mga opisyal, kaya’t nais nilang bawasan na ang Canadian diplomatic staff sa India.
Nitong Huwebes ay iginiit ni Trudeau, “My government is not looking to provoke or cause problems” nang tanungin kung bakit tila walang reaksiyon ang mga ka-alyado ng Canada sa mga alegasyon.
Ayon pa kay Trudeau, “There is no question that India is a country of growing importance, and a country that we need to continue to work with. But we are unequivocal around the importance of the rule of law and unequivocal about the importance of protecting Canadians.”