Tentative deal sa pagitan ng Hollywood writers at studios, paunang hakbang lamang sa paglutas sa krisis sa film industry
Paunang hakbang pa lamang sa paglutas sa krisis ng film industry, ang isang pansamantalang kasunduan upang tapusin na ang welga ng mga manunulat.
Sa wakas ay nagkaroon na ng kasunduan ang Writers Guild of America (WGA), na nagwelga noong Mayo kaugnay ng demands na kinabibilangan ng mas maayos na bayad at kaligtasan laban sa paggamit ng artificial intelligence (AI), sa mga studio na kinabibilangan ng Netflix at Disney.
Ang pagpapatibay sa nabanggit na kasunduan, una ng WGA board, pagkatapos ay ng 11,500 miyembro nito, ay malawak na inaasahang magwawagi nang walang anumang mga hadlang sa mga darating na linggo.
Nasuspinde ang pagpipiket ng mga manunulat at ipinahiwatig ng guild na maaari nitong payagan ang mga miyembro na bumalik sa trabaho bago pa man mabilang ang huling boto.
Ayon sa Variety, banggit ang industry insiders, “Late-night TV shows could return to air within the next two to three weeks.”
Ngunit ang isang mas matalim na isyu ay ang patuloy na welga ng mga aktor sa Hollywood, na kinakatawan ng unyon ng SAG-AFTRA, na malamang na tumagal ng ilang linggo upang malutas at hahadlang sa anumang pagbabalik sa produksyon sa hinaharap.
At kahit pagkatapos pa nito, kung saan daan-daang mga pelikula at mga palabas sa telebisyon ang nahinto, maaaring tumagal ng ilang buwan upang mawala ang “logistical logjam” at ganap nang makabalik sa trabaho.
Sinabi ng entertainment lawyer na si Jonathan Handel, “There are presumably upwards of 1,500 productions that all want to start as soon as they can. And so when SAG gives the word, they’re all going to be competing simultaneously… it’s absolute chaos. I don’t think we’re going to see normalcy in the production process until sometime after January or February.”
Sa kasunduan ng WGA sa mga studio ay nagkaroon ng mga kompromiso tungkol sa minimum na pagtaas ng sahod, bonus payments para sa mga manunulat na ang mga gawa ay naging isang hit na palabas, at mga garantiya na hindi mababawasan ang “human writers” maging ang kanilang suweldo, kahit pa gumamit ng AI sa pagsulat ng mga script.
Marami sa mga isyung ito ay halos katulad ng ‘demands’ ng mga artista, at ang mga detalye ay ilalahad ng SAG-AFTRA negotiators sa linggong ito, bago ang kanilang pakikipag-usap sa mga studio.
Subalit babala ni Handel, maraming demands ang SAG-AFTRA na lampas pa sa mga hinihingi ng writers.
Kabilang dito ang mas malaking pagtaas sa sahod upang makaagapay sa talamak na inflation, at isang aktwal na “share of revenue” para sa mga hit na streaming shows.
Nag-iingat ang mga studio dahil anuman ang i-aalok nila sa mga aktor ay malamang na hingin din ng nasa iba pang propesyon sa Hollywood gaya ng movie set crew at technician, na may sarili nilang contract renewals sa susunod na taon.
Ayon kay Handel, “I think basic wages are going to be a huge roadblock towards the SAG deal in the next few weeks, because of pattern bargaining.”
Ang SAG-AFTRA ay mayroon din ng sarili nilang tukoy na demands, gaya ng restriksiyon sa paggamit ng remote, self-taped auditions, na naging laganap sa panahon ng pandemya pero inaayawan ng maraming mga artista.
Gayunman, ang kasunduan ay nangangahulugan na ang mga negosyador ng SAG-AFTRA ay maaaring makipagpulong sa mga unyon sa susunod na linggo, sa unang pagkakataon mula nang magwelga ang mga aktor noong Hulyo.
Ayon sa Variety, “The end of the WGA strike will hasten the end of SAG-AFTRA’s walkout.”
Pero sinabi ni Handel, “Even if things go smoothly — which is a fool’s assumption — I still think it would take two to three weeks to get a SAG deal done… which takes you into October. Then there’s the ratification process, which takes another month.”
Ibig sabihin, mauubusan na ng panahon ang mga aktor na i-promote ang malalaking year-end movies, gaya ng superhero sequel na “The Marvels” ng Disney.
At desperado na rin ang mga publicist para simulan na ng mga bituin ang kampanya para sa ilang malalaking events ng industriya, gaya ng Emmy Awards para sa telebisyon, at ang Oscars ng film industry, na gaganapin sa Enero at Marso ng susunod na taon.