Discount lamang ang inilatag ng mga kumpanya ng langis sa second round ng meeting sa Liderato ng Kamara
Tanging diskuwento sa kada litro ng gasolina at diesel ang maaaring ibigay ng mga kumpanya ng langis sa ginanap na ikalawang round ng meeting sa liderato ng Kamara na pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang inihayag ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo matapos makausap ng Kamara ang mga kinatawan ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Dahil dito hiniling ng Kamara sa mga kumpanya ng langis na taasan ang discount na ibinibigay ng mga kumpanya ng langis sa mga pampublikong sasakyan at kung maaari ay isama na rin ang mga pribadong sasakyan na gumagamit din ng gasolina at diesel.
Ayon sa Kamara ang piso hanggang dalawang pisong discount sa kada litro ng gasolina at diesel ay hindi na bago dahil matagal na itong ipinatutupad kaya kung maaari ay gawing dalawang piso hanggang apat na piso ang ibigay na discount at bukod sa mga pampublikong sasakyan ay isama narin ang mga pribadong sasakyan na matagal ng umaaray sa mataas na presyo ng mga produktong Petrolyo.
Inamin ng Kamara na ang tanging panlaban na lamang ng Kongreso sa mga kumpanya ng langis ay amyendahan ang Oil Deregulation Law dahil ang pagbabawas sa excise tax ng mga imported oil products na hinihingi ng mga kumpanya ng langis ay tinututulan ng mga economic managers ng pamahalaan sapagkat mawawalan ang gobyerno ng bilyong bilyong kita na makakaapekto sa social services.
Vic Somintac