Unang batch ng mga Pilipino galing Israel, darating ngayong Lunes, Oktubre 16
Nakatakdang dumating sa bansa ngayong Lunes, Oktubre 16, ang unang grupo ng mga Pilipino galing Israel.
Sinabi ng Presidential Communications Office, na ang unang grupo na binubuo ng walong indibidwal ay inilikas sa gitna ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ayon pa sa PCO, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers, ay babalikatin ng gobyerno ang gastusin ng lahat ng mga Pilipinong nais lumikas mula sa Israel.
Sa ngayon ay namamalaging nakataas ang Alert Level 2 sa Israel, kung saan maaari na ang voluntary repatriation.
Pinaiiwasan na rin ang pagbiyahe patungo sa Israel hanggang sa maging maayos na ang kalagayang pangseguridad sa lugar.
Samantala, sinabi ng PCO, na nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs sa diplomatic partners nito para sa ligtas na pagdaan ng mga Pilipino sa Rafah Border Crossing, habang ang Gaza ay namamalagi sa ilalim ng “strict blockade.”
Itinaas na ang alert Level 3 sa Gaza, na nangangahulugan na walang bagong mga manggagawang ipadadala sa teritoryo.
Sinabi ng gobyerno, na kabuuang 131 mga Pinoy ang nasa teritoryo, ilan sa kanila ay asawa ng mga Palestino na nakatira na doon kasama ng kanilang mga anak at apo.
Ayon sa PCO, “The public is kindly requested to rely only on official statements and advisories released by Philippine Government Agencies and to refrain from spreading unverified information.”
Una rito ay sinabi ng gobyerno na handa rin ang mga bansa sa Asya na tumulong sa paglilikas sa mga Pilipino, bilang bahagi ng international approach sa pagtugon sa hidwaan.
Samantala, tatlong Pilipino na ang nasawi kasunod nang sorpresang pag-atake ng Hamas sa Israel, na ginantihan naman nito ng pag-atake rin.