Mga Pinoy sa Egypt pinag-iingat sa mga protesta at malaking pagtitipon ng mga tao doon
Pinayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Egypt ang mga Pilipino na mag-ingat sa mga isinasagawang demonstrasyon at pagmamartsa doon kaugnay ng Israel- Hamas conflict.
Sa abiso ng Philippine Embassy sa Cairo, hinimok ang mga Pinoy na umiwas sa maramihang pagtitipon ng mga tao at manatili na lamang sa kanilang mga tahanan maliban kung kinakailangan.
Inabisuhan din ang mga Pilipino na umiwas sa iba pang mga planadong protesta sa hinaharap.
Libu-libong Egyptians ang nagprotesta sa Cairo matapos himukin ni President Abdel- Fattah el- Sissi ang mga mamamayan nito na ihayag ang kaisahan sa mga Palestino.
Isinisisi ng Egyptian President sa Israel ang pag-atake sa isang ospital sa Gaza.
Moira Encina