Suspek sa Maine mass shooting natagpuang patay
Patay na nang matagpuan ang suspek sa isang mass shooting sa US state ng Maine, makaraan ang dalawang araw na manhunt na nagpakilos sa daan-daang law enforcement agents upang hanapin ang salarin sa pinakamalalang mass shooting sa Estados Unidos ngayong taon.
Sinabi ni Maine public safety commissioner Mike Sauschuck, na ang 40-anyos na si Robert Card, ay nasawi dahil sa self-inflicted gunshot wound.
Si Card ang pinaniniwalaang salarin sa insidente ng pamamaril noong Miyerkoles ng gabi, na ikinasawi ng 18 at 13 pa ang nasugatan sa isang bowling alley at isang bar-restaurant sa nasabing siyudad na nasa northeastern state ng Maine.
Ayon kay Sauschuck, hindi niya agad masabi kung si Card ay nagbaril sa sarili.
Sinabi naman ni governor Janet Mills, “I’m breathing a sigh of relief tonight knowing that Robert Card is no longer a threat to anyone.”
Ito rin ang naging sentimyento ni US Senator Susan Collins ng Maine, na nagsabing tinawagan siya ni President Joe Biden, “to tell me the perpetrator of the heinous attacks in Lewiston had been found.”
Sinabi pa niya, “Mainers can breathe a collective sigh of relief” that first responders succeeded in efforts to find this killer.”
Nitong Biyernes ay kinilala ng mga awtoridad ang mga biktima, mula sa isang mag-asawa na nasa kanila nang 70s, hanggang sa isang 14-anyos na batang lalaki na namatay sa tabi ng kaniyang ama.
Sinabi ng US media na ang bangkay ni Card, na natagpuan sa Lisbon Falls, timog-silangan ng Lewiston, ay nasa isang kakahuyan malapit sa isang recycling center na kanyang pinapasukan bago siya nawalan ng trabaho doon.
Si Card ay isang army reservist, ngunit hindi pa na-deploy sa anumang combat zone. Iniulat ng US media na siya ay ipinadala kamakailan para sa psychiatric treatment matapos niyang sabihin na nakaririnig siya ng mga boses.
Ang pinakabagong insidenteng ito ng pamamaril ay isa sa pinakagrabe sa Estados Unidos mula noong 2017, nang mamaril ang isang gunman sa isang mataong music festival sa Las Vegas, na ikinamatay ng 60 katao.
Mas maaga nitong Biyernes, ang law enforcement agents ay idineploy sa kahabaan ng Androscoggin River sa kalapit na Lisbon, pitong milya (11 km) sa timog-silangan ng Lewiston, at gumamit ang mga diver ng sonar upang maghanap ng ebidensya — o isang katawan.
Ayon kay Sauschuck, ang puting SUV ni Card ay natagpuan sa di kalayuan.