N.America fans ganado para sa ‘Hunger Games’ prequel
Dinaig ng isang “Hunger Games” prequel mula sa Lionsgate ang lahat ng iba pang pelikula sa North American theaters nitong weekend, kung saan kumita ito ng tinatayang $44 million.
Sinabi ni David Gross ng Franchise Entertainment Research, “The Hunger Games: The Ballad of Songbirds & Snakes” put up ‘very good numbers’ for an action adventure prequel and should also do well abroad.”
Ang pelikula, na ikalima sa “Hunger Games” series, ay pinagbibidahan ni Tom Blyth bilang si Coriolanus Snow (na bilang matandang lalaki sa serye ay ginampanan ni Donald Sutherland) at Rachel Zegler bilang Lucy Gray Baird; tampok din sina Peter Dinklage at Jason Schwartzman.
Pasok naman sa ikalawang puwesto para sa Friday-through-Sunday period ang isa pang bagong palabas, ang “Trolls Band Together,” na isang family-friendly animated musical comedy mula sa DreamWorks at Universal Pictures. Kumita ito ng $30.6 million.
Isang sequel sa “Trolls World Tour,” ang installment na ito, na mas pumatok sa mga manonood kaysa mga kritiko, ay kinatatampukan ng tinig nina Anna Kendrick, Justin Timberlake, Zooey Deschanel at Kenan Thompson.
Pangatlo ang superhero film na “The Marvels.” Matapos magbukas noong nakaraang linggo sa $47 million, ang pinakamababa sa lahat ng pelikula mula sa Marvel Cinematic Universe ng Disney, ang superhero film ay muling gumawa ng kasaysayan matapos bumagsak ang kita sa $10.2 million, na ayon sa Hollywood Reporter ay “worst second-weekend drop of all time.”
Bida rito sina Brie Larson, Teyonah Parris at Iman Vellani.
Pasok din sa pangatlong puwesto, ang slasher film na “Thanksgiving,” mula sa Spyglass Media at TriStar Pictures, na kumita rin ng $10.2 million, hindi na masamang simula para sa isang pelikula na ginastusan lamang ng $15 million.
Ayon kay Gross, “Reviews are excellent, and the picture should play well over the upcoming Thanksgiving weekend.”
Nasa ikalimang puwesto naman ang isa pang horror film, ang “Five Nights at Freddy’s” mula sa Universal Pictures at Blumhouse Productions, na kumita ng $3.5 million. Bida rito si Josh Hutcherson.
Narito naman ang nasa top 6 hanggang top 10:
“The Holdovers” ($2.7 million)
“Next Goal Wins” ($2.5 million)
“Taylor Swift: The Eras Tour” ($2.4 million)
“Priscilla” ($2.3 million)
“Killers of the Flower Moon” ($1.9 million)