Israel at Hamas sumang-ayon na sa isang truce, 50 bihag palalayain
Inanunsiyo ngayong Miyerkoles ng Israel at Hamas, na sumang-ayon ang magkabilang panig sa apat na araw na truce na magbibigay-daan sa pagpapalaya sa dose-dosenang hostages na binihag noong Oktubre 7.
Inaprubahan ng gabinete ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang truce matapos ang pulong na halos inabot na ng gabi, kung saan sinabi niya sa mga dumalo na iyon ay isang “mahirap na desisyon pero iyon ang tamang desisyon.”
Sinabi ng isang government spokesman na sa ilalim ng kasunduan ay hindi bababa sa 50 Israeli at foreign hostages ang palalayain, babae at mga bata, kapalit ng isang apat na araw na paghinto sa military operations.
Para sa bawat madaragdag na sampung bihag na palalayain, ay magkakaroon ng dagdag na isang araw na truce.
Naglabas ng pahayag ang Hamas na tinatanggap nila ang “humanitarian truce,” na anila ay magbibigay daan naman sa paglaya ng 150 Palestinians mula sa mga bilangguan sa Israel.
Ang kasunduan ay magbibigay din ng pagkakataon sa mga residente sa Gaza, na mapahinga kahit sandali lamang matapos ang halos pitong linggo nang labanan.
Una nang sinabi ng Hamas at Islamic Jihad, isa pang militanteng grupo, na nakapaloob din sa truce ang isang kumpletong ground ceasefire at pansamantalang pagtigil ng Israeli air operations sa southern Gaza.
Ang pag-apruba ng gabinete ng Israel ay isa sa mga huling hadlang sa kasunduan para magkabisa.
Ngunit dahil sa dose-dosenang mga pamilya sa Israel at iba pa ang desperado nang mapalaya ang kanilang mga mahal sa buhay, at ang mga mamamayan ng Israel ay nangangamba naman sa kapalaran ng mga bihag, kaya isinantabi ng gobyerno ang anomang pag-aalinlangan.
Tumulong ang Qatar upang matuloy ang pag-uusap.
Ang madugong pag-atake ang nagpasiklab sa Operation “Swords of Iron,” ang walang humpay na air at ground attacks sa Gaza bilang ganti, na ayon sa Palestinian authorities ay ikinamatay ng 14,100 katao na karamihan ay mga babae at bata.
Sinabi naman ng makapangyarihang Defence Minister ng Israel na si Yoav Gallant, na nakakuha siya ng katiyakan na ang kasunduan ay hindi mangangahulugan na tinatapos na ang giyera para wasakin ang Hamas.
Aniya, “Immediately after we have exhausted this phase, security operations would continue in full force.”
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng tanggapan ni Netanyahu na ang tigil-putukan ay hindi nagsasaad ng pagtatapos ng digmaan.
Nakasaad sa pahayag, “The Israeli government, the Israeli army and the security forces will continue the war to bring back all those kidnapped, eliminate Hamas and ensure that there is no longer any threat to the State of Israel from Gaza.”
Ayon sa Hamas at Islamic Jihad sources, ang proposed deal ay magbibigay pagkakataon din para sa 300 trak ng pagkain at medical aid na makapasok sa Gaza.
Nitong Martes, ang Brazil, Russia, India, China at South Africa o ang tinatawag na BRICS group ay nanawagan para sa agaran at namamalaging humanitarian truce sa Gaza, nang magkaroon ng isang virtual summit kung saan inakusahan ng chairman ng meeting na South Africa ang Israel ng war crimes at “genocide.”