Mexico City nagkansela ng flights dahil sa pagbuga ng abo ng isang bulkan
Ilang airlines ang nagkansela ng humigit-kumulang dalawang dosenang flights papasok at palabas ng Mexico City sa Mexico, dahil sa pagbuga ng abo ng Popocarepetl volcano na nasa labas lamang ng siyudad.
Sa social media post ng Mexico City International Airport ay nakasaad, “National and international operators have canceled 22 flights due to airplane safety checks having found ashes.”
Makikita naman sa arrival at departure log ng airport na nagkaroon ng mga kanselasyon at delays, bagama’t hindi nakatala kung ano ang dahilan.
Nagbabala ang mga awtoridad na malamang na makaranas ng ash fall ang mga estado ng Morelos, Puebla at Mexico, gayundin ang Mexico City, na may 55 milya (90 kilometro) ang layo mula sa bulkan.
Simula nang maging aktibo ang Popocatepetl noong December 1994, makaraan ang anim na dekadang pananahimik, ipinagbawal na ang pag-akyat dito, isinara ang isang hostel para sa mountaineers at ipinagbawal ang pagtungo malapit sa crater.
Simula rin noon ay tumaas na ang aktibidad nito, at paminsan-minsan ay kinailangang ilikas ang mga residente sa kalapit na rural communities.
Kinabahan ang mga tao nang magbuga ang bulkan ng abo, gas at tunaw na mga bato noong Mayo ng nakaraang taon.
May 25 milyong katao ang naninirahan sa loob ng 60-mile radius ng bulkan, dahilan para makasama ito sa ibinibilang na pinakamapanganib sa buong mundo, bagama’t hindi pa ito nagkaroon ng massive eruption ng higit sa isang millennium.