Brazil authorities nagkukumahog nang makapagdala ng tulong sa mga binaha
Nagkukumahog na ang mga grupo sa southern Brazil upang magdala ng humanitarian aid sa Porto Alegre at iba pang mga binahang munisipalidad, dahil sa babala ng weather bureau ng marami pang mga pag-ulan.
Ang pinakagrabeng natural na kalamidad na tumama sa estado ng Rio Grande do Sul ay kumitil na ng hindi bababa sa 95 buhay, 372 katao naman ang iniulat na nasugatan at 131 ang nawawala pa, ayon sa civil defence force na siyang nangangasiwa sa disaster relief.
Sinabi ni Governor Eduardo Leite, “The tolls continue to rise and unfortunately we anticipate that they are still very inaccurate because the emergency is continuing to develop.”
Halos 400 munisipalidad ang tinamaan, kabilang ang state capital na Porto Alegre, kung saan mahigit sa 160,000 katao ang napilitang lisanin ang kanilang tahanan matapos na maging ilog ang mga lansangan makaraan ang ilang araw na “record-breaking” na mga pag-ulan.
Ang Porto Alegre ay tahanan ng nasa 1.4 na milyong katao at ang mas malaking metropolitan area ay doble naman ng nasabing bilang.
Ayon sa mga opisyal, “The state’s Guaiba River, which runs through Porto Alegre remained at historic high levels Tuesday, and five dams were at risk of rupturing.”
Sabi naman ni Sabrina Ribas, opisyal ng civil defense, “For tens of thousands of people stranded by impassable roads, collapsed bridges and flooded homes in Rio Grande do Sul, “the most urgent demand is (drinking) water.”
Mga helicopter ang nagdadala ng tubig at pagkain sa mga komunidad na higit na nangangailangan, habang nagpapatuloy ang pagawain upang muli nang maraanan ang mga kalsada.
Sa Alvorada, isang munisipalidad sa silangan ng Porto Alegre, ay pumipila ang mga tao bitbit ang mga balde at plastic bottles, upang umigib ng tubig mula sa ilang gripo na gumagana pa.
Karamihan ng mga tindahan ay naubusan na ng bottled water.
Sinisikap naman ng mga indibidwal at mga negosyo na mayroong poso na makatulong.
Ayon sa tanggapan ng alkalde, dalawa lamang sa anim na water treatment plants ng Porto Alegre ang gumagana, at ang mga ospital at shelters ay sinusuplayan naman ng mga tangke ng tubig.
Sinabi ng Brazilian Navy, na ipadadala nito sa Rio do Sul ang kanilang “Atlantic” vessel na siyang pinakamalaki sa Latin America, kasama ng dalawang mobile water treatment stations.
Ayon naman kay Brazilian President Luiz Inacio Lula da Silva, magpapalabas pa ng dagdag na emergency funds, at nangakong hindi magkukulang ng mapagkukunan upang matugunan ang pangangailangan ng Rio Grande do Sul.
Samantala, nasa 15,000 mga sundalo, bumbero, pulis at volunteers ang nagtutulong-tulong gamit ang mga eroplano, bangka at maging jet skis, upang iligtas ang mga na-trap at magdala ng tulong.
Nagpadala na rin ng tulong ang mga katabing bansa ng Brazil na Uruguay at Argentina, sa pamamagitan ng rescue equipment at trained personnel.
Maging ang celebrities ay tumulong na rin, gaya ng footballer na si Neymar na nagpadala ng isang eroplano kasama ng kaniyang mga donasyon.
Habang hindi nagpapakita ng senyales ng paghupa ang kalamidad, lumitaw sa weather forecats na maaaring mas lumala pa ito.
Nagbabala ang Inmet meteorological institute ng posibilidad ng mga bagyo sa timog ng Rio Grande do Sul ngayong Miyerkoles, na susundan ng mga pag-ulan sa sentro at hilaga na sabi nito ay hahadlang sa rescue efforts.
Ayon sa weather agency MetSul, “binago ng mga pagbaha ang mapa ng metropolitan region” ng Porto Alegre.
Nagbabala rin si Lula na maaantala ang anihan dahil sa mga pagbaha, kaya’t kailangan ng bansa na umangkat ng bigas at beans.
Ayon naman sa pulisya, may mga ulat na ang mga bahay na iniwan ng lumikas na mga residente ay pinagnakawan at ilan sa mga residente na natatakot mapagnakawan, ang ayaw namang lumipat sa mga shelter at iwan ang kanilang tahanan.