Kahihinatnan ng Gaza truce talks, ganap nang nasa kamay ng Israel ayon sa Hamas
Sinabi ng Palestinian militant group na Hamas, na umalis na ang kanilang delegasyon na dumalo sa Gaza ceasefire negotiations sa Cairo upang magtungo sa Qatar, at sinabing “nasa kamay” na ito ng Israel.
Sa isang mensahe sa iba pang Palestinian factions ay sinabi ng grupo, “The negotiating delegation left Cairo heading to Doha. In practice, the occupation (Israel) rejected the proposal submitted by the mediators and raised objections to it on several central issues. We stood by the proposal. Accordingly, ‘the ball is now completely’ in the hands of the occupation.”
Iniulat ng state-linked Egyptian outlet na Al-Qahera News, na kapwa umalis na sa Cairo ang mga kinatawan ng magkabilang kampo makaraan ang dalawang araw na negosasyon na may layuning isapinal ang isang kasunduan sa tigil-putukan, kaugnay ng pitong buwan nang giyera sa Gaza Strip.
Ayon sa nasabing outlet banggit ang isang high-level Egyptian source, “Efforts by Egypt and other mediators, namely Qatar and the United States, ‘continue to bring the points of view’ of the two parties closer together.”
Sinabi ng Hamas na noong Lunes ay tinanggap nito ang isang ceasefire proposal na inihain ng mediators.
Ayon sa grupo, nakapaloob sa panukala ang pag-atras ng Israeli forces mula sa Gaza, pagpapabalik sa mga Palestino na na-displace dahil sa giyera, at ang palitan ng mga bihag na hawak ng mga militante at mga Palestinong nakabilanggo sa Israel, na ang target ay ang isang “permanenteng tigil-putukan.”
Nang mga panahong iyon ay tinawag ng tanggapan ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang panukala na malayo sa “essential demands” ng Israel, ngunit sinabing magpapadala pa rin ang gobyerno ng mga negosyador sa Cairo.
Matagal nang tinututulan ng Israel ang ideya ng isang permanenteng tigil-putukan, at iginiit na dapat nitong tapusin ang pagbuwag sa Hamas.