Mayor Alice Guo no show sa ikalawang pagdinig ng DOJ sa reklamong human trafficking

Photo courtesy of doj.gov.ph

Bigong humarap sa ikalawang pagkakataon si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa preliminary investigation ng DOJ sa reklamong human trafficking laban dito at sa 13 pang indibiduwal.

Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC Spokesperson Winston Casio, “Wala po si Mayor Guo at mga chinese na akusado, so wala pong nakapagsubmit ng counter affidavit.”

Sa pagdinig, naghain naman ang kampo ng PNP CIDG at PAOCC, ng mga reklamo laban sa isang karagdagang respondent.

Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, “Ito ay isang Pilipina na nareklamo na nag recruit sa mga iba ibang tao dun, kaya lang nung panahon ng inquest, nagpananaw ng investigative prosecutor na kulang yung ebidensya laban sa Pilipinang ito, kaya dinismiss. Kaya yung team natin , yung mga fiscal atsaka mga law enforcers, binuild up yung kaso laban sa Pilipinang ito at sinama na sya sa mga inireklamo.”

Iniharap din ng PAOCC at CIDG sa DOJ ang apat na bagong witnesses-complainants na magpapatunay sa mga iligal na aktibidad ng ng POGO sa Bamban at iba pang dagdag na ebidensyam

Ayon kay Casio, “Mga filipinos po ito na magpapatunay ng scamming activities nitong Zun Yuan at Baofu development at hindi lang po yun papatunayan din po nila na hindi sila nakalalabas ng malaya sa lugar, kumbaga sila ay nakakulong doon.”

Kaugnay nito, binigyan ng DOJ sina Guo ng karagdagang dalawang linggo o hanggang Agosto 6 para maghain ng kontra salaysay.

Sinabi ni Ty, “So hopefully by August 6, after mabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na magfile ng kanilang complaint-affidavit, submitted for resolution na ang kaso.”

Hinimok naman nina Undersecretary Ty at PAOCC Spokesperson Casio si Guo na humarap ito sa pagdinig ng DOJ, lalo na at sinabi ng alkalde na sasagutin nito sa proper forum ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Ayon pa kay Ty, “This is certainly the proper forum. Fortunately for her, because the state decided to file additional complaints, supplemental complaint, she has a new opportuntiy to explain her side at the proper forum which will be on August 6.”

Sinabi naman ni Casio, “Nakalulungkot wala pa rin po siya ngayon. Maaaring nagtatago pa rin po siya o hindi pa natin ma-locate kung nasaan po siya.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *