Limitadong bilang ng Afghan nationals papayagan sa bansa para magproseso ng U.S. special immigrant visa –DFA
Inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagkasundo ang Pilipinas at ang U.S. para payagan ang limitadong bilang ng Afghan nationals na pumasok sa bansa para kumpletuhin ang pagproseso ng U.S Special Immigrant Visas (SIVs) at resettlement sa Amerika.
Ayon sa DFA, ang U.S. ang magkakaloob ng kinakailangang serbisyo gaya ng mga pagkain, pabahay, seguridad, medikal, at transportasyon sa mga Afghan na pansamantalang mananatili sa bansa.
Sinabi ng DFA na sumasailalim pa ang kasunduan sa pinal na “domestic procedures” para magkabisa.
Ipinaliwanag pa ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza, na kinakailangan munang maratipikahan ng pangulo ang kasunduan bago ito magkabisa.
Ang bawat Afghan applicants aniya ay awtorisado lang na manatili sa Pilipinas nang hindi hihigit sa 59 araw.
Tiniyak din ng DFA na sasailalim sa full security vetting ng mga awtoridad sa bansa ang mga Afghan, at kinakailangan na mayroon entry visa bago ang pagdating sa Pilipinas.
Ayon pa kay Daza, mananatili lang sa billet facility ang mga Afghan sa buong panahon ng processing ng kanilang visa applications.
Moira Encina- Cruz