Wildfires sa Canada noong nakaraang taon, naglabas ng mas maraming carbon kaysa ilang mga bansa
Naglabas ng mas maraming greenhouse gases ang wildfires na nanalasa sa mga kakahuyan ng Canada noong isang taon kumpara sa ilan sa malalaking emitting countries, batay sa natuklasan sa isang pag-aaral.
Ayon sa pag-aaral na nalathala sa journal na Nature, sa 647 megatonnes, ang carbon na ibinuga ng wildfires noong 2023 ay lampas pa sa pito sa sampung pinakamalaking national emitters ng 2022, na kinabibilangan ng Germany, Japan at Russia.
Tanging ang China, India at Estados Unidos lamang ang naglabas ng mas maraming carbon sa nabanggit na peryodo, ibig sabihin kung ang wildfire sa Canada ay maihahanay sa nabanggit na mga bansa, lilitaw na ito ang pang-apat na largest emitter.
Ang mga karaniwang emisyon mula sa Canadian forest fire sa nakalipas na dekada ay umaabot lang sa 29 hanggang 121 megatonnes. Ngunit ang pagbabago ng klima, na dulot ng pagsunog ng fossil fuels, ay humahantong sa mas tuyo at mas mainit na mga kondisyon, na nagtutulak ng matinding wildfire.
Ang mga sunog noong 2023 ay tumupok ng 15 milyong ektarya sa buong Canada, o humigit-kumulang 4% ng mga kagubatan nito.
Ang mga natuklasan ay dumagdag lamang sa mga alalahanin tungkol sa pagiging dependent sa mga kagubatan ng mundo, para magsilbing “long-term carbon sink” para sa industrial emissions, gayong maaari pa nga nitong palalain ang problema kapag ito ay nasunog.
Ang pangamba ay tungkol sa global carbon budget, o ang tinatantiyang dami ng mga greenhouse gas na maaaring patuloy na ilabas ng mundo habang pinapanatili ang init sa 1.5 degrees Celsius (2.7 degrees Fahrenheit) sa ibabaw ng mga antas ng preindustrial, na nakabatay sa hindi tumpak na mga kalkulasyon.
Sinabi ng may-akda ng pag-aaral na si Brendan Byrne, isang atmospheric scientist sa Jet Propulsion Laboratory ng NASA, “If our goal is really to limit the amount of carbon dioxide in the atmosphere, we need to make adaptations into how much carbon we are allowed to emit through our economy, corresponding to how much carbon is being absorbed or not absorbed by forests.”
Ayon sa pag-aaral, “The abnormally hot temperatures Canada experienced in 2023 are projected to be common by the 2050s. This is likely to lead to severe fires across the 347 million hectares (857 million acres) of woodlands that Canada depends on to store carbon.”
Ang lumalalang wildfires at inilalabas nitong carbon ay hindi kasama sa annual greenhouse gas emissions inventory ng Canada.
Batay sa 2021 Nationally Determined Contibution Strategy ng bansa, “Carbon is counted when emitted from human sources, such as industrial activities, not natural disturbances in forests such as insect outbreaks or wildfires.”
Sinabi ni Byrne, “The atmosphere sees this carbon increasing, no matter how we set up our accounting system.”