Temporary protection order na inisyu ng Davao RTC, ipinawalang bisa ng Court of Appeals – OSG
Idineklarang null and void ng Court of Appeals sa Cagayan de Oro City ang inisyung temporary protection order ng korte sa Davao City pabor sa Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, pinaboran ng CA CDO 22nd Division ang petisyon ng Office of the Solicitor General na ipawalang-bisa ang TPO laban sa mga pulis sa compound ng KOJC.
Sinabi ni Guevarra na inatasan din ng CA ang Davao court na ibigay na sa Korte sa Quezon City ang mga rekord ng kaso alinsunod sa utos ng Supreme Court na ilipat doon ang kaso.
Immediately executory o dapat agad na ipatupad aniya ang utos ng appellate court.
Pero puwede aniya itong iapela ng KOJC kung nais ng grupo.
Samantala, tinawag na fake news ng DOJ ang post sa social media na nagsasabing ibinasura ng piskalya sa Davao ang mga reklamo ng PNP laban sa 18 KOJC missionaries.
Hinimok ng DOJ ang publiko na huwag paniwalaan at balewalain ang nasabing maling impormasyon.
Moira Encina – Cruz