Patay sa pananalasa ng Typhoon Yagi sa Vietnam umakyat na sa 141
Umakyat na sa 141 ang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng Bagyong Yagi sa Vietnam, habang nagbabala naman ang gobyerno na ang tubig-baha ay magpapataas sa lebel ng tubig sa Red River na nagbabanta namang bumaha sa downtown districts ng Hanoi.
Ang malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Yagi ay nagdulot ng mga pagguho ng lupa at pagbaha sa buong hilagang Vietnam, kung saan 59 katao ang nawawala.
Sinabi ng disaster management agency na nagkaroon din ng matinding pinsala sa ari-arian at pagkagambala sa negosyo at mga industriya.
Iniulat ng state media na ang lebel ng tubig sa Red River sa Hanoi ay tumataas ng sampung sentimetro bawat oras.
Ilan sa mga eskuwelahan sa Hanoi ang nag-utos sa kanilang mga estudyante na manatili na lamang sa kanilang bahay sa nalalabi pang mga araw ng linggong ito dahil sa mga pagbaha, habang libu-libong mga residente na naninirahan sa mabababang lugar ang inilikas na ayon sa gobyerno.