Mga LGU inatasan ng DILG na paghandaan ang 7-meter storm surge
Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla ang lahat ng mga residente sa low-lying at coastal areas ng 23 mga lalawigan at Metro Manila, na paghandaan ang storm surges na maaaring umabot ng lima hanggang pitong metro ang taas.
Sa isang social media post ay sinabi ni Remulla, “Hindi po biro ito (This is no joke) EVACUATE NOW!.”
Inatasan din ng DILG chief ang mga kinauukulang alkalde at punong barangays (village chiefs), na unahin ang agarang mandatory preemptive evacuations sa mga “at-risk community” sa storm surge areas.
Aniya, “Ngayon pa lang ay may pakiusap na kami sa lahat ng coastal barangays sa mga lalawigan na ilikas na ang mga tao sa lugar na mula sampung metro sa dagat. Ang storm surge na posibleng mangyari ay lagpas bahay ang pasok ng dagat sa baybayin.”
Inilabas ni Remulla ang direktiba sa mga lokal na punong ehekutibo sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa pulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Biyernes.
Batay sa latest PAGASA Storm Surge Warning na inilabas, alas dos ng umaga ngayong Sabado, may mataas na panganib ng life-threatening storm surge na ang peak heights ay lampas ng 3.0 m sa loob ng susunod na 48 oras, sa ilang lugar sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Cavite, Batangas, Marinduque, Masbate, Isabela, Aurora, Quezon, Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Eastern Samar, Northern Samar, at Samar.
Pinapayuhan din ang mga LGU na patuloy na subaybayan ang advisories ng PAGASA.