US federal workers, inatasan ni Elon Musk na idetalye ang kanilang trabaho o mag-resign

0
MUSK AND TRUMP

Elon Musk listens to U.S. President Donald Trump speak in the Oval Office of the White House in Washington, D.C., U.S., February 11, 2025. REUTERS/Kevin Lamarque/File Photo

Nagpadala ng emails ang Trump administration sa U.S. federal government employees, na nag-aatas sa mga ito na idetalye ang kanilang work accomplishments nitong nakalipas na linggo, o mawalan ng trabaho.

Kaugnay ito ng post ni Elon Musk, ang bilyonaryong pinuno ng Department of Government Efficiency (DOGE) ng Trump administration sa social media site na X, na ang hindi pagtugon sa email request ay katumbas na rin ng resignation.

Ang post ni Musk ay ginawa ilang oras makaraan ding magpost ni President Donald Trump sa kaniyang social media network na Truth Social, kung saan nakasaad na dapat maging mas agresibo ang DOGE sa mga pagtatangka nito na i-downsize at i-reshape ang federal workforce.

Lahat ng mga empleyado sa federal agencies ay nakatanggap ng nasabing email, kabilang ang mga nagtatrabaho sa Securities and Exchange Commission, National Oceanic and Atmospheric Administration, the Centers for Disease Control and Prevention at iba pa.

Ang naturang mga empleyado ay binigyan ng hanggang alas onse singkuwenta ngayong Lunes ng gabi upang tumugon, at bigyan din ng kopya ang kanilang managers.

Hindi naman malinaw ang legal na basehan ni Musk upang sisantehin ang federal workers kapag nabigo ang mga ito na sagutin ang email request, at kung ano ang mangyayari sa mga empleyado na hindi magagawang idetalye ang kanilang “confidential jobs.”

Natanggap din ng mga manggagawa sa Consumer Financial Protection Bureau ang email, ayon sa mga taong may kaalaman sa bagay na ito. Gayunman, ang karamihan sa mga kawani ng ahensya ay inutusan na huwag magsagawa ng anumang mga gawain mula noong unang bahagi ng buwang ito, na lumikha ng isang palaisipan.

Ang ahensya ay nasa ilalim din ng pansamantalang utos ng korte na huwag ipagpatuloy ang mass firings habang hinihintay ang resulta ng mga legal na paglilitis.

Hindi naman agad tumugon ang isang tagapagsalita para sa DOGE, nang hingan ng komento.

Samantala, ipinahayag ng American Federation of Government Employees (AFGE), isang unyon na kumakatawan sa federal employees, na hahadlangan nila ang anumang “labag sa batas na pagpapatalsik sa trabaho.”

Sinabi ni AFGE national president Everett Kelley, “Once again, Elon Musk and the Trump administration have shown their utter disdain for federal employees and the critical services they provide to the American people.”

Ang agaran at kontrobersyal na proseso ng administrasyong Trump upang bawasan ang paggasta ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbawas o pag-aalis sa trabaho ng federal employees sa pangunguna ni Musk at ng kanyang kabataang aides sa cost-cutting DOGE, ay humantong sa “haphazard firings,” na nagresulta sa maraming pagkakamali at pumuwersa sa ilang ahensya na mabilisang mag-rehire ng vital employees, tulad ng mga nagtatrabaho sa nuclear safety, defense at power generation.

Ang unang yugto ng mga pagbawas sa trabaho ay tumarget ng mga manggagawang mas madaling alisin sa trabaho, gaya ng probationary employees na wala pang dalawang taon, o yaong mga binigyan ng mga bagong gampanin sa loob ng kaparehong ahensiya.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *