Mga dayuhang nasa likod ng operasyon sa sinalakay na illegal POGO sa Parañaque City, sinampahan ng human trafficking complaint sa DOJ ng PAOCC

Kinumpirma ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Chief Undersecretary Gilbert Cruz, na isinailalim na sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) ang 20 dayuhan na nagpapatakbo sa sinalakay na illegal POGO hub sa Parañaque City noong Pebrero 20.

Ayon kay Cruz, ipinagharap din ng PAOCC ng reklamong qualified human trafficking ang mga nasabing banyaga.
Nakakuha aniya sila ng mga testimonya ng mga complainant at testigo sa kaso kabilang ang tatlong Vietnamese na nagsisilbing mga model para makahikayat ng investors sa love scam.
Bukod sa mga dayuhan, may mga inireklamo ring mga Pilipino habang ang iba na nadatnan sa POGO raid ay papakawalan batay sa rekomendasyon ng piskalya.
Ayon kay Cruz, “Makikita mo naman na talagang sila ang nag facilitate nung mga nagtatrabaho sa POGO hub na ito para mag-work nang matagal. Actually Yung ginagawa nila, marami silang violation, bukod dun sa mga dokumento na kulang-kulang na pinakikita nila, and yung pagpapatakbo ng isang POGO hub na wala namang kaukulang mga papeles. Puro iligal ginagawa nila. Basically yung operation ng love scam ito ung pinapasukan ng mga Vietnamese na nahuli natin at ngayon ay nagtuturo sa mga boss.”
Moira Encina-Cruz