Proyektong ‘payao’ inilunsad ng BFAR sa Ilocos Sur


VIGAN CITY, Sept. 15 (PIA) – Upang mapaunlad ang “Food Production Program” ng Ilocos Sur na itinuturing na primera klaseng lalawigan, naglunsad ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Fisheries Production campaign sa pamamagitan ng pagbibigay ng payao at iba pang kagamitan ng mga mangingisda sa mga coastal towns.


Ayon kay Director Nestor Dumenden ng BFAR-Region 1, mula Infanta, Pangasinan hanggang Pagudpud, Ilocos Norte, sinimulan na ng ahensya na nasa silong ng Department of Agriculture (DA) ang pagbibigay ng payao na epektibong panghuli ng isda sa karagatan sa Ilokos.


Ang mga payao at iba pang kagamitang pang-dagat ay naibigay sa mga mangingisda na kumatawan sa mga  coastal towns ng San Esteban, Sta. Lucia, Narvacan, Sinait, Sto. Domingo, Cabugao at susunod ang iba pang bayan sa Ilokos, sinabi ng opisyal ng BFAR.


“Aabot ng kalahating milyon o 500,000 produksyon ng isda ang maaani bawat taon sa Ilocos Sur sa pamamagitan ng payao projects,” idiniin ni  Dumenden.


Sinabi pa niya na magbibigay din ang BFAR ng karagdagang motor boats para sa mga asosasyon ng mga mangingisda para mapalakas ang kampanya ng pangingisda sa lalawigan na itinuturing ding agricultural province at numero unong nagtatanim ng Virginia tobacco sa bansa.


Nagpasalamat din si Gob. Ryan Singson sa DA at BFAR sa mga tulong nito sa lalawigan para maitaguyod ang Food Security Program ng pamahalaan at matulungan ang pamumuhay din ng mga magsasaka at mangingisda.


Kamakailan, nag-donasyon pa ang BFAR ng dalawang motor boat na magma-mannman kontra sa mga nagpapatupad ng illegal fishing dahil talamak ito sa Cabugao at Sinait. Ang isang motor boat ay naka-base sa Caoayan para sa Primero Distrito at ang isa ay nasa Candon City para magamit sa pagpapatrolya sa Segundo Distrito.


Maliban sa pangingisda, prayoridad din ng pamahalaang probinsyal sa tulong ng DA ang pagtatanim ng mga matataas na uri o hybrid na mais  na may tatak na “Ryan Corn” at palay na naitataguyod sa iba’t-ibang bayan  kabilang na ang Candon City sa lalawigan.


Dahil dito, pinarangalan ng DA Central Office ang Ilocos Sur na “National Quality Corn Achiever’s Awardee”  sa 2015 na tatanggap ng P3 milyon at plaque of recognition bilang gantimpala.


Hiniling din ni Bise Gob. Deogracias Victor  (DV) Savellano sa BFAR na lahat sana ng labing-siyam (19) na  coastal towns sa probinsya  ay makatatanggap  ng payao at iba pang kagamitan ng mga mangingisda. (VHS/BPP/PIA- 1/Ilocos Sur)

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *