VP Robredo binuweltahan ng Malakanyang sa akusasyong si Pang. Duterte ang nasa likod ng rigodon sa Senado
Wala sa lugar ang akusasyon ni Vice President Leni Robredo na si Pangulong Duterte ang nasa likod ng pagkakatanggal ng Committee Chairmanship ng mga Senador na miyembro ng Liberal Party para magkaron ng ibayong kapangyarihan at maging isang diktator.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo na kailanman hindi nakikialam si Pangulong Duterte sa panloob na usapin ng Senado na isang co-equal branch ng Executive Department.
Ayon kay Panelo hindi magkatulad sina dating Pangulong Aquino at Pangulong Duterte na ginamit ang kapanyarihan para lamang maalis sa puwesto ang nakaupong si Chief Justice Renato Corona at hatulan sa Impeachment Court kasabwat ang mga kakamping Senador.
Inihayag ni Panelo kung pinulong man ng Pangulo ang mga kaalyadong Senador sa Malakanyang noong nakaraang linggo hindi kasama sa agenda ang pagpapatalsik sa mga Senador na kabilang sa Liberal Party.
Inalisan ng Committee Chairmanship sina Senators Bam Aquino, Riza Hontiveros, Kiko Pangilinan at inalis din bilang Senate President Pro Tempore si Senador Franklin Drilon.
Ulat ni: Vic Somintac