SC, nagtakda ng oral arguments sa petisyon ni Sen. de Lima
Hindi na muna inaksyunan ng Korte Suprema ang hirit ni Senadora Leila de Lima na ipawalang-bisa ang arrest order at pigilin ang pagdinig sa kaso laban sa kanya ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204.
Ayon sa source, sa en banc session ngayong araw ng Supreme Court, nagpasya ang mga mahistrado na magtakda ng oral arguments sa petisyon ni de Lima sa March 14.
Inatasan din muna ng Korte Suprema ang mga respondent sa petisyon na sina Muntinlupa RTC Executive Judge at Branch 204 Judge Juanita Guerrreo at ang PNP na maghain ng komento sa petisyon ng Senadora sa loob ng sampung araw.
Dahil sa walang inisyung TRO o Status Quo Ante Order mananatiling nakakulong ang Senadora sa Kampo Crame at tuloy ang pagdinig sa kaso niyang illegal drug trading.
Sa kanyang petisyon, iginiit ng Senadora na minadali ng Judge ang pagiisyu ng arrest warrant laban sa kanya dahil dapat niresolba muna nito ang inihain nilang motion to quash.
Wala rin sa hurisdiksyon ang Muntinlupa Court sa kaso ni de Lima kaya walang batayan ang arrest order nito at iligal ang pagkulong sa Senadora.
Ulat ni: Moira Encina