NBI iimbestigahan na rin ang pagpaslang sa Doctor to the Barrio ng DOH sa Lanao del Norte
Ipinag-utos na ng DOJ sa NBI na imbestigahan ang pagpaslang sa Doctor to the Barrio ng DOH sa Lanao del Norte na si Dr. Dreyfuss Perlas.
Sa memorandum ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kay NBI Director Dante Gierran, inatasan din ang ahensya na mag-case build up laban sa mga posibleng suspek sa krimen.
Pinagsusumite rin ni Aguirre ang NBI ng report sa itinatakbo ng imbestigasyon.
Nangyari ang pamamaril kay Perlas noong March 1 sa Kapatagan, Lanao del Norte habang papauwi ang doktor sakay ng kanyang motorsiklo galing sa isang medical mission.
Noong Sabado napatay naman ng mga otoridad ang suspek sa pagpatay kay Perlas na si Agapito Tamparong Democer na sinasabing kilalang hitman at nahaharap sa magkakahiwalay na kasong double murder at frustrated murder sa Korte.
Ulat ni: Moira Encina