Sec. Aguirre iginiit na hindi naging libingan ng umano’y mga biktima ng DDS ang Laud Quarry site
Pinasinungalingan na noon pa man ng retiradong pulis na si Bienvenido Laud na ginawang libingan ng mga sinasabing biktima ng Davao Death Squad ang kanyang Quarry site sa Davao City.
Ito ang iginiit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na dating abogado ni Laud.
Sinabi rin ni Aguirre na bagaman may nahukay na buto sa quarry site ay hindi napatunayan kung ito ay buto ng tao o hayop.
Ginawang libingan din aniya ang nasabing lugar noong panahon ng hapon kaya may mga nahukay na buto doon.
Dahil dito, naniniwala ang Justice Secretary na hindi magagamit na ebidensya ang mga buto para patunayan ang DDS at mga biktima nga ng grupo ang mga natagpuan sa quarry site.
Paliwanag pa ni Aguirre ito rin ang dahilan kaya walang kaso na naipursige si Senadora Leila deLima kaugnay sa DDS noong ito pa ang DOJ Secretary at Chairperson ng Commission on Human Rights.
Ulat ni: Moira Encina