Mga Senador hindi nakunbinse sa mga testimonya ni Lascañas
Hindi nakumbinse ang mga Senador sa anilay biglang pagbaligtad ni SPO3 Arturo Lascanas na una nang nagdawit kay Pangulong Duterte sa mga kaso ng karumal-dumal na pagpatay.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, Chairman ng Senate Committee on Public Services, nakapagtataka na ngayon lang nagsalita si Lascanas bukod pa sa inconsistencies sa kaniyang mga testimonya.
Kabilang na rito ang detalye kung sino o pangalan ng kaniyang unang napatay.
“Hindi mo matandaan kung sino yung unang-una mong napatay pero naalala mo kelan yung Bersabal, 1993? 1997? Medyo matagal na rin ano? Pero yung kay Bersabal naalala mo yung pansit e. Pero yung una mong pinatay hindi mo matandaan man lang kung ano ang pangalan”. –Sen. Lacson
Sabi rin ni Senador Grace Poe, kaduda-duda si Lascanas dahil wala itong maipakitang ebidensya o testtigo na maaring mag corroborate sa kaniyang bintang laban sa Pangulo.
“Nagsinungaling kayo pangalawa kailangan ng mga tao na magpapatunay sa mga alegasyon Kailangan sana maghanap kayo ng mga tao na magpapatunay dyan sa sinabi nyo o maglabas kayo ng ebidensya”. – Sen. Poe
Naghain naman ng mosyon si Sen. Manny Pacquiao na maipa contempt si Lascanas dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan pero binawi rin kalaunan.
Inusisa rin nito si Lascanas kung sino ang nagbayad sa kaniya para lamang idiin ang Pangulo.
“May nagbayad ba sayo para idiin si Pangulong Duterte.. may Senador ba na kumumbinse sayo”. – Sen. Pacquiao
Hinala naman ni Senador JV Ejercito, maaring sumama ang loob ni Lascanas dahil hindi ito napagbigyan sa mga kontratang nais pasukin sa gobyenro.
Sa impormasyon ni Ejercito, nag-aplay si Lascanas at ang grupo nito ng prangkisa para sa STL, public transport terminal, quarrying at customs brokerage pero hindi ito napagbigyan.
Ulat ni: Mean Corvera