Dating Sen. BBM, muling hiniling sa PET na itakda na ang preliminary conference sa kanyang poll protest laban kay VP Robredo
Hinimok muli ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal na itakda na ang preliminary conference sa kanyang protesta na kumukwestyon sa pagka-panalo ni Vice-President Leni Robredo noong 2016 elections.
Sa inihaing reply ni Marcos sa Supreme Court kaugnay sa oposisyon ni Robredo sa preliminary conference, inakusahan nito ng dilatory o delaying tactic ang panig ni Robredo para hindi lumabas ang katotohanan na may nangyaring malawakang dayaan sa halalan noong Mayo 2016.
Ayon sa kampo ni Marcos, kung walang itinatago si Robredo ay dapat gamitin nito ang lahat ng kapangyarihan nito para hikayatin ang pag-usad ng election protest.
Giit pa ng legal team ni Marcos hindi dapat magpadala ang Tribunal sa anila’y “ambigous” at “distorted” na argumento ni Robredo.
Binanggit at ikinumpara pa ng dating Senador ang preliminary conference noon sa protesta ni dating Interior Secretary Mar Roxas na itinakda ng PET dalawang buwan matapos isampa ang poll protest laban kay dating Vice-president Jejomar Binay.
Pero ang kanyang protesta na inihain noon pang Setyembre ng nakaraang taon o walong buwan na ang nakakalipas ay hindi pa rin isinasalang sa nasabing pagdinig.
Iginiit pa ni Marcos na ang layunin ng preliminary conference ay mapabilis ang proseso para malaman ang tunay na boses ng mamamayan sa nangyaring eleksyon.
Ulat ni : Moira Encina