Dating miyembro ng girl dance group, nagpasaklolo sa Korte Suprema laban sa harassment ng asawa
Nagpasaklolo sa Korte Suprema ang dating miyembro ng isang girl dance group dahil sa sinasabing harassment ng kanyang mister.
Kasama ni Sugar Mercado na dumulog sa Korte Suprema ang women’s group na Gabriela.
Sa petisyon, hiniling ni Mercado sa Supreme Court na magpalabas ito ng TRO laban sa pagdinig ng hukuman sa mga patung-patong na kaso na isinampa ng mister niyang si Kristofer Jay Go laban sa kanya at mga magulang niyang sina Reylando at Yolanda Mercado.
Ang mga kaso laban sa kanila ay inihain ni Go sa ibat-ibang hukuman sa Quezon City.
Iginiit ng Gabriela na harassment ang ginagawa ni Go kina Sugar at sa mga magulang nito na matapos na sampahan ito ng kasong child abuse, libel at physical injuries.
Ayon sa women’s group, isang porma ng Tinatawag na Strategic Lawsuit against Public Participation o SLAPP ang ginagawa ng mister ni Mercado na layuning takutin ang mga biktima ng pang-aabuso na lumapit sa korte.
Nag-ugat ang kaso sa agawan sa kustodiya sa kanilang anak.
Respondents sa kaso si Go at ang ilang branch ng QC Regional Trial Courts.
Ulat ni: Moira Encina