VP Robredo walang basehan para kasuhan ng impeachment ayon sa Liberal Party
Umalma ang Liberal Party sa napipintong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Sa harap ito ng banta ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kakasuhan si Robredo ng betrayal of public trust matapos magpadala ng video sa United Nations na kumukundena sa mga kaso ng extra judicial killings.
Pero ayon kay LP Vice Chairman at Senate Minority Leader Franklin Drilon, walang batayan para kasuhan si Robredo.
Iginiit ni Drilon hindi pagtataksil sa bayan ang pagbatikos sa kapalpakan ng administrasyon.
Kasabay nito, binuweltahan ni LP President Francis Pangilinan si Senate President Aquilino Pimentel dahil sa tila pagkatig pa sa bantang impeachment laban kay Robredo.
Tila nagpapakita na ito ng bias dahil sakaling magtagumpay sa Kamara, ang Senado ang tatayong huwes sa anumang impeachment complaint.
Nanindigan naman si pangilinan na walang nilabag na batas si Robredo nang ilabas sa un ang video message.
Ulat ni: Mean Corvera