Panibagong kaso laban sa mga dawit sa Rent-Tangay scam, inihain sa DOJ ng PNP-Highway Patrol Group
Labing- apat na panibagong reklamo laban sa mga nasa likod ng rent-tangay o rent-sangla scam ang inihain ng PNP Highway Patrol Group sa DOJ.
Tinukoy na respondent sa kaso sina Rafaela Anunciacion, Tychichus Nambio, Marilou Cruz, Bienvenido Cruz, Roberto Cruz, Jeffrey Reyes, Edgardo S. Ramos, Alfredo Ronuillo, Ravenal Quizon, Eleanor Constantino Rosales, at Lorena Adriano.
Ang panibagong batch ng mga kaso ay kasunod ng sumbong ng mga nabiktima mula sa Bulacan, Makati City, Mandaluyong City, Quezon City, Cavite at Valenzuela City.
Noong Lunes, sinimulan na ng DOJ ang preliminary investigation sa rent-tangay scam.
Mahigit 20 ang mga reklamo na kasama sa unang batch ng mga kaso na inihain ng PNP-HPG at Region 4-A Police.
Estafa in large scale ang kasong inihain laban sa 11 respondents.
Itinakda ng panel ang pagsusumite ng kontra salaysay ng mga respondent sa March 31, 2017.
Ayon sa mga complainant, sila ay pinangakuan ng mga respondent ng buwanang kita na mula 25 thousand pesos hanggang 45 thousand pesos mula sa pagpapa-arkila ng kanilang sasakyan.
Pero kalaunan ay nabatid nila na isinangla o ibinenta na pala sa iba nang hindi nila nalalaman ang kanilang sasakyan.
Ulat ni : Moira Encina