Pag a-appoint ng mga Brgy officials pagsapit ng Oktubre kailangan pang dumaan sa pagpapatibay ng kongreso
Lalabag sa batas kung basta na lamang papalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga baranggay officials pagsapit ng Oktubre ngayong taon.
Reaksyon ito ni Senador Francis Pangilinan sa nais ni Pangulong Duterte na alisin ang mga Barangay official at palitan sa pamamagitan ng appointment.
Sa Oktubre mapapaso na ang termino ng mga Baranggay at Sangguniang Kabataan officials matapos itong i-extend ng isang taon ng kongreso kasabay ng pagpapatibay ng Republic Act 10742 o SK Reform Act.
Ayon kay Pangilinan kailangang dumaan sa legislation para magkaroon ng appointing power ang Pangulo bago mailagay sa pwesto ang mga pinagkakatiwalaang opisyal ng Barangay.
Iginiit naman ni Senador Bam Aquino na matagal nang naipagpaliban ang Barangay at SK elections at panahon na para magsagawa ng panibagong eleksyon.
Kung may mga opisyales man aniya ng baranggay na dawit sa iligal na operasyon ng droga, mas mabuting sampahan sila ng kaso at ipaubaya na sa taumbayan kung sino ang ipapalit sa pwesto.
Ulat ni: Mean Corvera