Malakanyang walang kinalaman sa pagpupursige ni Speaker Alvarez sa impeachment laban kay VP Robredo
Naghugas kamay ang Malakanyang sa pagigiit ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagsusulong ng impeachment case laban kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na nagsalita na si Pangulong Duterte na hindi siya pabor sa pagpupursige sa impeachment laban sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Panelo kung sa kabila ng pahayag ng Pangulo na dapat igalang ang mandato ni Vice President Robredo ay ayaw paawat ang mga kaalyadong Kongresista labas na aniya dito ang Malakanyang.
Inihayag ni Panelo na hindi maaaring panghimasukan ng Executive Department ang trabaho ng Legislative Department at isa na dito ay ang pagsusulong ng impeachment proceedings sa isang impeachable official.
Magugunitang desidido si Speaker Alvarez na ituloy ang impeachment laban sa Pangalawang Pangulo sa kabila ng pagtutol ng Pangulo.
Ulat ni : Vic Somintac