CA nag-isyu ng TRO sa deposition ni Mary Jane Veloso
Nagpalabas ang Court of Appeals ng TRO na pipigil sa deposition o pagkuha ng out-of-court testimony sa Pinay na si Mary Jane Veloso na hinatulan sa Indonesia ng parusang bitay dahil sa kasong drug trafficking.
Ang TRO ay inisyu ng CA Eleventh Division at tatagal ng 60 araw.
Nakatakda sana ang deposition sa April 27.
Ang kautusan ng Appellate Court ay pabor sa inihaing petisyon ng mga akusadong sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Iginiit nila na kapag natuloy ang deposition ay malalabag ang kanilang karapatan na makaharap ang nag-aakusa laban sa kanila sa ilalim ng Saligang Batas
Pinapayagan lang din ang deposition through written interrogatories sa ilalim ng Rules of Court sa mga kasong sibil at hindi sa mga criminal case.
Samantala, pinaboran din ng CA ang hiling ng Office of the Solicitor General na kakatawan sa Nueva Ecija RTC na bigyan sila ng dagdag na panahon o hanggang April 11 para makapagsumite ng komento sa petisyon nina Sergio at Lacanilao.
Sa resolusyon ni Nueva Ecija RTC Judge Anarica Castillo Reyes, ang deposition na personal na pangangasiwaan ng Philippine Consular sa Indonesia ay oobserbahan ng nasabing hukom.
Ulat ni: Moira Encina