Mga Senador hinimok na magdesisyon na sa Death Penalty Bill
Hinimok ni Senador Francis Escudero ang mga kapwa mambabatas na magdesisyon na sa isyu ng death penalty bill.
Nakapasa na ang panukala sa Kamara pero hindi pa ito lumulusot sa committee level ng Senado dahil marami pa ring Senador ang undecided sa isyu.
Hindi naman pabor si Escudero na ibalik ang parusang bitay dahil hindi aniya kasigurihan na matitigil na ang mga kaso ng karumal-dumal na pagpatay na may kaugnayan sa illegal drugs operations.
Inihalimbawa ni Escudero ang mahigit pitong libong napatay na umanoy biktima ng extra judicial killings at legitimate police operations pero hanggang ngayon ay hindi pa rin natatakot ang mga gumagawa ng krimen.
Matuloy man aniya at payagan ng Korte Suprema ang death penalty, aabutin ng lima hanggang sampung taon bago may ma-convict ng death penalty dahil sa napakahabang proseso ng paglilitis.
Nauna nang sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng committee on justice na dumidinig sa panukala na malabo nang maipasa ang death penalty bill dahil 10 sa 24 na Senador ang hindi pabor sa panukala.
Ulat ni: Mean Corvera