DOJ iimbestigahan ang land deal ng BUCOR at TADECO
Bubuo ang DOJ ng panel na mag-iimbestiga sa kasunduan ng Bureau of Corrections at Tagum Agricultural Development Corporation o TADECO na pag-aari ni Davao Del Norte Second District Rep. Antonio Floirendo Jr.
Ang fact finding team na lilikhain ay bubuuin ng mga legal at technical expert.
Pumasok sa joint venture agreement noon pang 1969 Ang BUCOR at TADECO para sa pagpapaupa ng mahigit limang libong ektarya na bahagi ng lupa ng Davao Penal Colony.
Ang kontrata ay ni-renew noong May 2003 at ang BUCOR ay makakatanggap ng mahigit 26 million pesos na annual production share mula sa tanim na mga saging ng TADECO.
Ang kita ay tataas ng sampung porsyento kada limang taon.
Sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sinulatan na niya si House Speaker Pantaleon Alvarez at humihingi ito ng opinyon tungkol sa legal status ng pinaupang bahagi ng lupain ng Davao Penal Colony.
Una nang inihayag ni Alvarez na lugi ang gobyerno ng mahigit 106 million pesos dahil ang umiiral na halaga ng kontrata para sa pagpapaupa ng lupa sa nasabing lugar ay 25 thousand pesos kada ektarya para sa bawat taon.
Ulat ni: Moira Encina