Sueno, dapat inimbestigahan muna bago sinibak sa pwesto
Dapat inimbestigahan muna bago sinibak sa gabinete si Interior and Local Government Sec. Ismael Sueno.
Aminado si Siquijor Cong. Rav Rocamora na nalungkot siya sa pagkakasibak kay Sueno na aniya’y isang “competent” na opisyal.
Para sa kongresista, dapat inimbestigahan munang mabuti ang alegasyon bago ito sinibak lalo na’t wala pa namang napatunayan sa alegasyon ng korapsyon laban dito.
Pero para kay Ang Edukasyon Rep. Salvador Belaro dapat makasuhan si Sueno at dating NIA Administrator Peter Laviña na sinasabing nagbitiw dahil rin sa alegasyon ng katiwalian.
Giit ni Belaro, bagama’t ang pagsibak kay Sueno at pagbibitiw ni Laviña ay patunay na hindi kinukonsinti ang korapsyon sa ilalim ng Duterte administration, kailangan pa ring may pormal na reklamo kung may ebidensya o sapat na basehan laban sa kanila para mabigyan ang mga ito ng due process.
Depensa naman ni Muntinlupa Cong. Ruffy Biazon, nagpakita lamang ng political will ang Pangulo.
Pero mas mabuti aniya kung may kaakibat na paliwanag ang pagsibak kay Sueno na sinasabing natanggal dahil sa pagkawala ng kumpiyansa ng Pangulo rito.
Ulat ni: Madelyn Villar-Moratillo