Mga hinihinalang miyembro ng ISIS, arestado sa BGC Taguig
Arestado ng Bureau of Immigration sa lungsod ng Taguig ang mag-asawang dayuhan na sinasabing mga miyembro ng teroristang grupo na ISIS.
Kinilala ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang mga ito na sina Husayn al-Dhafiri, isang Kuwaiti at asawa nito na si Rahaf Zina, isang Syrian.
Naaresto ang dalawa noong Marso 25 sa 28th St., Bonifacio Global City, Taguig City.
Batay sa official communications na ibinigay sa BI ng US FBI, si Husayn al-Dhafiri alyas Warsh al-Kuwaiti at Abu Muslim al-Kuwaiti ay konektado sa terorismo at banta sa pambansang seguridad.
Ayon pa kay Aguirre, alinsunod sa intelligence reports mula sa AFP si al-Dhafiri ay kaanib ng ISIS.
Si al-Dhafiri ay hinihinala ring sangkot sa paggawa ng mga pampasabog at posibleng sa operational planning laban sa Kuwaiti government.
Nakakulong sa kasalukuyan ang dalawa sa NBI detention facility.
Pero tiniyak ng BI na ipapadeport nila agad ngayong buwan ang dalawa para kaharapin sa bansa nila ang kaso laban sa kanila dahil sa sinasabing planong pambobomba ng mga ito.
Si al-Dhafiri ay sa Kuwait idedeport habang si Rahaf ay sa Qatar na kanyang port of origin.
Nilinaw ni Aguirre na hindi makakasuhan ng terorismo ang dalawa dahil intel reports pa lang ang natatanggap nila kaugnay na plano ng mga ito.
Tanging deportation charges ang kakaharapin ng mga banyaga dahil sa kabiguang makapagprisinta ng kanilang immigration document nang dalhin sila sa BI office matapos maaresto.
Ulat ni : Moira Encina